Uhaw ang Tigang na Lupa
Liwayway A. Arceo
1
Ilang gabi nang ako ang kapiling niya sa higaan. Tila musmos
akong dumarama sa init ng kanyang dibdib at nikikinig sa pintig ng kanyang
puso. Ngunit, patuloy akong nagtataka sa malalim na paghinga niya, sa kanyang malungkot
na pagtitig sa lahat ng bagay, paghikbi...
2
Ilang araw ko nang hindi nadadalaw ang aklatan: ilang araw
ko nang hindi nasasalamin ang isang larawang mahal sa akin: bilugang mukha,
malapad na noo, hati-sa-kaliawang buhok, singkit na mga mata, hindi katangusang
ilong, mga labing duyan ng isang ngiting puspos-kasiyahan...Sa kanya ang aking
noo at mga mata. Ang aking hawas na mukha, ilong na kawangki ng tuka ng isang
loro, at maninipis na labi, ay kay Ina...
3
Sa Ina ay hindi palakibo: siya ay babaing abilang at sukat
ang pangungusap. Hindi niya ako inuutusan. Bihira siyang magalit sa akin at
kung nagkakagayon ay maikli ang kanyang pananalita: Lumigkit ka!...At
kailangang ‘di ako makita. Kailangang ‘do ko masaksihan ang kikislap na poot sa
kanyang mga mata. Kailangang ‘di ko namamalas ang pagkagat niya sa kanyang
labi. Kailangang ‘do ko na makita ang panginginig ng kanyang mga daliri. Ito
rin ang katumbas ng kanyang mariing huwang kung mayroon siyang ipinagbabawal.
Ang ngiti ni Ina ay patak ng ulan kung tag-araw: ang bata
kong puso ay tigang na lupang uhaw na uhaw...
4
Minsan man ay hindi ko narinig na may pinagkagalitan sila ni
Ama bagama’t hindi ko mapaniwalaang may magkabiyak ng pusong hindi
nagkakahinampuhan. Marahil ay sapagkat kapwa sila may hawak na kainawaan: ang
pagbibigayan sa isa’t isa ay hindi nalilimot kailanman.
5
Kung gabi ay hinahanap ko ang kaaliwang idinudulat ng isang
amang nagsasalaysay tungkol sa mga kapre at nuno at tungkol sa magagandang ada
at prinsesa; ng isang nagmamasid at nakangiting ina; ng isang pulutong ng
nakikinig na magaganda at masasayang bata.
Ngunit, sa halip niyon ay minalas ko si Ama sa kanyang
pagsusulat; sa kanyang pagmamakinilya; sa kanyang pagbabasa. Minamasdan ko kung
paano niya pinapangunot ang kanyang noo; kung paano niya ibinubuga ang asong
nagbubuhat sa kanyang tabako; kung paano siya titingin sa akin na tila may
hinahanap; kung paano niya ipipikit ang kanyang mga mata; kung paano siya
magpapatuloy sa pagsulat...
Si Ina ay isang magandang tanawin kung nanunulsi ng mga
punit na damit; kung nag-aayos ng mga uhales at nagkakabit ng mga butones sa
mga damit ni Ama. Sa kanyang pagbuburda ng aking mga kamison at panyolito – sa
galaw ng kanyang mga daliri – ay natutunghan ko ang isang kapana-panabik na
kuwento. Ngunti, ang pananabik na ito’y napapawi.
Kabagu-tbagot ang aking pag-iisa at ako ay naghahanap ng
kasama sa bahay: isang batang marahil ay nasa kanyang kasinungalingang gulang o
isang saggol na kalugud-lugod, may ngiti ng kawalang-malay, mabango ang
hininga, may maliit na paa at kamay na nakatutuwang pisilin, may mga pisngi at
labing walang bahid-kasalanan at kasiya-siyang hagkan, o isang kapatid ba
kahulihan ng gulang, isang maaaring maging katapatan...
6
Sakali mang hindi nagkagalit si Ina at Ama, o kung nagkakagalit
man ay sadyang hindi ipinamamalay sa akin, ay hinahanap ko rin ang magiliw na
palitan ng mga titig, ng mga ngiti, ng mga biruan.
Sapat na ang isang tuyot na aalis na ako sa
pagpapaalam ni Ama. Sapat na ang naningil na ang maniningil sa ilaw o sa
tubig o sa telepono upang sakupin ang panahong itatagal ng isang hapunan.
Sapat na panakaw sa sulyap ni Ama upang ipadamang may naririnig siya.
Mabibilang sa mga daliri ng aking dalawang kamay kung
makailan kaming nagpasyal: Si Ama, si Ina at ako. Malimit na ako ang kasama ni
Ina; hindi ko nakitang sinarili nila ang pag-aaliw.
7
Inuumaga man si Ama sa pag-uwi kung minsan ay hindi ko
kinapapansinan ng kakaibang kilos si Ina. Nahihiga rin siya pagdating ng mga
sandali ng pamamahinga at kung nakatutulog siya o hindi ay hindi ko matiyak.
Marahil ay ito ang tunay na madarama ng kataling-puso ng
isang taong inaangkin ng madla...
Ngunit, walang pagsisisi sa kanyang tinig.
8
Ilang taon na ngayon ang nakaraan nang minsang may ibinalik
na aklat ang aming tagapaglaba: yaon daw ay nakuha niya sa isang lukbutan ng
amerikana ni Ama. Ibinigay ko yaon kay Ina: yaon daw ay talaarawan ni Ama.
Kinabukasan ay may bakas ng luha ang mga mata ni Ina.
Kapansin-pansin ang lalo niyang hindi pagkabo buhat noon. Lalo siyang naging
malungkot sa aking paningin.
Ano ang nasa isang talaarawan?
9
Lasing na lasing si Ama. Karaniwan nang umuuwing lasing si
Ama ngunit, kakaiba ang kalasingan niya nagyong gabi. Hinihilamusan siya ni Ina
ng malahiningang tsaa, ngunit wala itong naibigay na ginhawa.
Hindi rin kumikino si Ina: nasa mga mata niya ang hindi
maipahayag na pagtutol.
Sapagkat may isusulat ako...sapagkat ikamamatay ko ang
pighating ito...sapagkat...sapagkat...sapagkat...
10
Idinaraing ngayon ni Ama ang kanyang dibdib at ulo: hindi
raw siya makahingang mabuti.
Marahil ay may sipon ka, ani ina. Sinisinat ka nga.
Isang panyolitong basa ng malamig na tubig ang itinali ko sa
ulo ni Ama. Wala siyang tutol sa aking ginagawa. Sinusundan niya ng tingin ang
bawat kilos ko.
Ang kanyang mga bisig, buhat sa siko hanggang sa palad, at
ang kanyang binti, buhat sa tuhod hanggang sa mga talampakan, ay makailan kong
binuhusan ng tubig na mainit na inakala kong matatagalan niya – tubig na pinaglagaan
ng mga dahong ng alagaw. Kinulob ko siya ng makakapal na kumot matapos na
inumin niya ang ibinigay kong mainit na tubig na pinigaan ng kalamansi.
Nakangiti si Ama: Manggagamot pala ang aking dalaga!
Sinuklian ko ng isang mahinang halakhak ang ngiti niyang
yaon: hindi ako dating binibiro ni Ama.
Sana’y ako si na sa mga sandaling yaon: sana’y lalo kong
ituturing na mahalaga ang nadarama kong kasiyahan...
11
Nabigo ako sa aking pag-asa: nakaratay nang may ilang araw
si Ama. Halos hindi siya hinihiwalayan ni Ina: si ilalim ng kanyang mga mata ay
may mababakas na namang maiitim na guhit.
Anang manggagamot ay gagawin niya ang lahat ng kanyang
makakaya. Ngunit, ayaw niyang ipagtapat sa akin ang karamdaman ni Ama.
12
Ipinaayos ngayon ni Ama ang kanyang hapag. Nililinis ko ang
kanyang makinilya. Idinikit ko ang kagugupit na kuwentong kalalathala pa
lamang. Pinagsama-sama ko ang mga papel sa kanyang mga kahon.
Ang pang-ilalim na kahon ng kanyang hapag ay nagbigay sa
akin ng hindi gagaanong pagtataka: may isang kahitang pelus na rosas at isang
salansan ng mga liham. Maliliit at mga bilugang titik bughaw na tinta sa
pangalan ni Ama sa kanyang tanggapan ang mga nasa sobre.
13
Ang larawan sa kahitang pelus ay hindi yaong hawas na mukha,
may ilong na kawangki ng tuka ng isang loro, maninipis na labi. Sa likod niyon
ay nasusulat sa maliliit at bilugang mga titik sa bughaw na
tinta: Sapagkat ako’y hindi makalimot... Ang larawan ay walang lagda
ngunit nadama ko ang biglang pagkapoot sa kanyang at sa mga sandaling yaon ay
natutuhan ko ang maghinanakit kay Ama.
14
Bakit sa panahong ito lamang tayo pinaglapit ng pangyayari?
Higit marahil ang aking katiwasayan kung hindi ka dumating sa aking buhay,
bagamat hindi ko rin marahil matitiis na hindi maipagpalit ang aking kasiyahan
sa isang pusong nagmamahal. Totoong ang kalagayan ng tao sa buhay ang malimit
maging sagwil sa kanyang kaligayahan...
15
Naiwan na natin ang gulang ng kapusukan; hindi na tayo
maaaring dayain ng ating nadarama. Ngunit, nakapagitan sa atin ngayon ang isang
malawak na katotohanang pumupigil sa kaligayahan ang hindi natin maisakatuparan
ay buhayin na lamang natin sa alaala. Panatilihin na lamang natin sa diwa ang
katamisan ng isang pangarap; sana’y huwag tayong magising sa katotohanan...
16
Nakita ko siya kagabi sa panaginip; sinusumbatan niya ako.
Ngunit, hindi ko balak ang magwasak ng isang tahanan. Hindi ko maatim na
mangnakaw ng kanyang kaligayahan; hindi ko mapababayaang lumuha siya dahil sa
akin. Ang sino mang bahagi ng iyong buhay ay mahal sa akin; ang mahal sa akin
ay hindi ko maaaring paluhain...
17
Ang pag-ibig na ito’y isang dulang ako ang gumaganap ng
pangunahing tauhan; sapagkat ako ang nagsimula ay ako ang magbibigay-wakas.
Ipalagay mo nang ako’y nasimulang tugtuging nararapat tapusin. Gawin mo akong
isang pangarap na naglalaho pagkagising. Tulungan mo akong pumawi sa
kalungkutang itong halos pumatay sa akin...
18
Ngunit, bakit napakahirap ang lumimot?
19
Nadama ko ang kamay ni Ina sa aking kanang balikat: noon ko
lamang namalayan na may pumasok sa aklatan. Nakita niya ang larawang nasa
kahitang pelus na rosas. Natunghan niya ang mga liham na nagkalat sa hapag ni
Ama.
Si Ina ay dumating at lumisang walang binitiwang kataga.
Ngunit, sa kanyang paglisan ay muling binati ng kanyang palad ang aking balikat
at nadarama ko pa ang salat ng kanyang mag daliri; ang init ng mga iyo, ang
bigat ng kanilang pagkakadantay...
20
Ang katahimikang namagitan sa amin ni Ina ay hindi pa
napapawi. Iniiwasan ko ngayon ang pagsasalubong ng aming mga titig; hindi ko
matagalan ang kalungkutang nababasa ko sa mga paninging yaon.
21
Hiningi ni Ama ang kanyang panulat at aklat-talaan. Nguni,
nang mapaniwala ko siyang masama sa kanyang ang bumangon ay kanyang
sinasabi: Ngayon ay ang aking anak ang susulat nang ukol sa atin...At sa
anya’y isang dalubhasang kamay ang uukit niyon sa itim na marmol. Ngunit, hindi
ko maisatitik ang pagtutol na halos ay pumugto sa aking paghinga.
Nasa kalamigan ng lupa ang kaluwalhatian ko!
Kailanman ay hindi ko aangkining likha ng aking mga daliri
ang ilang salitang ito.
22
Huwag kang palilinlang sa simbuyo ng iyong kalooban; ang
uang tibok ng puso ay hindi pag-ibig sa tuwina...Halos kasinggulang mo ako nang
pagtaliin ang mga puso namin ng iyong Ina...Mura pang lubha ang labingwalang taon...Huwag
ikaw ang magbigay sa iyong sarili ng mga kalungkutang magpapahirap sa iyo
habang-buhay...
Muli kong nadama ang tibay ng buhol na nag-uugnay ng
damdamin ni Ama sa akin.
23
Kinatatakutan ko na ang malimit na pagkawala ng diwa ni Ama.
Si Ina ay patuloy sa kanyang hindi pagkibo sa akin, patuloy
sa kanyang hindi pag-idlip, patuloy sa kanyang pahluha kung walang makakita sa
kanya...
24
Ang kanang kamay ni Ina ay idinantay sa noo ni Ama at ang
pagtatanan ng isang nais tumakas na damdamin sa kanyang dibdib ay tinimpi ng
pagdadaop ng kanyang ngipin sa labi.
Naupo siya sa gilid ng higaan ni Ama at ang kaliwang kamay
nito ay kinulong niya sa kanyang mga palad.
Magaling na ako, mahal ko...magaling na ako...sa muli mong
pagparito ay sabihin mo sa akin kung saan tayo maaaring tumungo...ang moog na
itong kinabibilangguan ko’y aking wawasakin...sa ano mang paraan...sa ano mang
paraan...
Ang malabubog na tubig na bumabakod sa mga pangingin ni Ina
ay nabasag at ilang butil niyo ang pumatak sa bisig ni Ama. Mabibigat na
talukap ang pinilt na iminulat ni Ama at sa pagtatagpo ng mga titig nila ay
gumuhit sa nanunuyo niyang labi ang isang ngiting punung-puno ng pagbasa.
Muling nalapat ang mga durungawang yaon ng isang kaluluwa at hindi niya namasid
ang mga matang binabalungan ng luha: ang mga salamin ng pagdaramdam na hindi
mabigkas.
25
Nasa mga palad pa rin ni Ina ang kaliwang kamay ni Ama:Sabihin
mo, mahal ko, na maaangkin ko na ang kaligayahan ko...
Kinagat ni Ina nang mariin ang kanyang labi at nang siya’y
mangusap ay hindi ko naaming kay Ina ang tinig na yaon:Maaangkin mo na, mahal
ko!
Ang init ng mga labi ni Ina ang kasabay ng kapayapaang
nanahanan sa mga labi ni Ama at nasa mga mata man niya ang ilaw ng pagkabigo sa
pagdurugtong sa isang buhay na wala nang luhang dumadaloy sa mga iyon:
natitiyak niya ang kasiyahang nadama ng kalilisang kaluluwa...