Sunday, August 17, 2014

tiyo simon

TIYO SIMON
Dula—ni N.P.S. Toribio
Pilipinas

Mga Tauhan:
Tiyo Simon—isang taong nasa katanghalian ang  gulang, may kapansanan ang isang paa at may mga paniniwala na hindi             maunawaan ng kanyang hipag na relihiyosa.
Ina—ina ni Boy
Boy—pamangkin ni Tiyo Simon. Pipituhing taong gulang.
Oras—umaga, halos hindi pa sumusikat ang araw.
Tagpo: Sa loob ng silid ni Boy. Makikita ang isang tokador na kinapapatungan ng mga langis at pomada sa buhok, toniko, suklay, at iba pang gamit sa pag-aayos. Sa itaas ng tokador, nakadikit sa dingding ang isang malaking larawan ng birheng nakalabas ang puso at may tarak ng isang punyal. Sa tabi ng nakabukas na bintana sa gawing kanan ay ang katreng higaan ng bata. Sa kabuuan, ang silid ay larawan ng kariwasaan.
Sa pagtaas ng tabing, maikikita si Boy na binibihisan  ng kanyang ina. Nakabakas sa mukha ng bata ang pagkainip samanatalang sinusuklay ang kanyang buhok. (Biglang uunat ang babae, saglit na sisipatin ang ayos ng anak, saka ngingiti.)
INA: O, hayan, di nagmukha kang tao. Siya, diyan ka muna at ako naman ang magbibihis.
BOY: (Dadabog) sabi ko, ayaw kong magsimba, e!
INA: Ayaw mong magsimba! Hindi maa...pagagalitin mo na naman ako, e! At anong gagawin mo rito sa bahay ngayong    umagang ito na pangiling-araw?
BOY: Maiiwan po ako rito sa bahay,  kasama ko si ...Tiyo Simon...
INA: (Mapapamulagat) A, ang ateistang iyon. Ang...patawarin ako ng Diyos.
BOY: Basta. Maiiwan po ako... (Ipapadyak ang paa) makikipagkuwentuhan na lamang ako kay Tiyo Simon...
INA: (Sa malakas na tinig) makikipagkuwentuhan ka? At anong kuwento? Tungkol sa kalapastanganan sa banal na pangalan ng Panginoon?
BOY: Hindi, Mama. Maganda ang ikinukuwento ni Tiyo  Simon sa akin...
INA: A, husto ka na...husto na bago ako magalit nang totohanan at humarap sa Panginoon ngayong araw na ito nang may dumi sa kalooban.
BOY: Pero...
INA: Husto na sabi , e!

(Matitigil sa pagsagot si Boy. Makaririnig sila ng mga yabag na hindi pantay, palapit sa nakapinid na pinto sa silid, saglit na titigil ang yabag; pagkuwa’y makaririnig sila ng mahinang pagkatok sa pinto.)
INA: (Paungol) uh... sino ‘yan?
TIYO SIMON: (Marahan ang tinig) Ako, hipag, naulinigan kong...

(Padabog na tutunguhin ng babae ang pinto at bubuksan iyon. Mahahantad ang kaanyuan ni Tiyo Simon, nakangiti ito.)

TIYO SIMON: Maaari bang pumasok? Naulinigan kong tila may itinututol si Boy...
BOY: (Lalapit) Ayaw kong magsimba, Tiyo Simon. Maiiwan ako sa iyo rito. Hindi ako sasama kay Mama.
INA: (Paismid) Iyan ang itinututol ng pamangkin mo, kuya. Hindi nga raw sasama sa simbahan...

(Maiiling si Tiyo Simon, ngingiti at paika-ikang papasok sa loob, hahawakan ang balikat ni Boy.)

TIYO  SIMON: Kailangan ka nga namang sumama sa simbahan, Boy. Kung gusto mo...kung gusto mong isama ako ay maghintay kayo at ako’y magbibihis...magsisimba tayo.

(Mapapatingin nang maluwat si Boy sa kanyang Tiyo Simon, ngunit hindi makakibo. Ang ina ay namangha rin. Tatalikod
na si Tiyo Simon at lalabas. Maiiwang natitigilan ang dalawa, pagkuwa’y babaling ang ina kay Boy.)

INA: Nakapagtataka! Ano kaya ang nakain ng amain mong iyon at naisipang sumama ngayon sa atin? Ngayon ko lamang siya makikitang lalapit sa Diyos...
BOY: Kung sasama po si Tiyo Simon , sasama rin ako...
INA: Hayun! Kaya lamang sasama ay kung sasama ang iyong amain. At kung hindi ay hindi ka rin sasama. Pero mabuti rin iyon...mabuti, sapagkat hindi lamang ikaw ang maaakay ko sa wastong landas kundi ang kapatid na iyon ng iyong ama na isa ring...
(Mapapayuko ang babae, papahirin ang luhang sumungaw sa mga mata. Magmamalas lamang siBoy.)
INA: (Mahina at waring sa sarili lamang). namatay siyang hindi lamang nakapagpa-Hesus. Kasi’y matigas ang kalooban niya sa pagtalikod sa simbahan. Pareho silang magkapatid sila ng iyong amain. Sana’y magbalik-loob siya sa Diyos upang makatulong siya sa pagliligtas sa kaluluwa ng kanyang kapatid na sumakabilang buhay na...
(Mananatiling nagmamasid lamang si Boy. Pagkuwa’y nakarinig sila ng hindi pantay na yabag, at ilang sandali pa ay sumungaw na ang mukha ni Tiyo Simon sa pinto. Biglang papahirin ng babae ang kanyang mukha, pasasayahin ito, at saka tutunguhin ang pinto.)
INA: Siyanga pala. Magbibihis din ako. Nakalimutan ko, kasi’y...diyan muna kayo ni Boy, kuya...
(Lalabas ang babae at si Tiyo Simon ay papasok sa loob ng silid. Agad tutunguhin ang isang sopang naroroon, pabuntung-hiningang uupo. Agad, naman siyang lalapitan ni Boy at ang bata ay titindig sa harapan niya.)
TIYO SIMON: (Maghihikab) iba na ang tumatandang talaga. Madaling mangawit, mahina ang katawan at...(biglang matitigil nang mapansing ang tinitingnan ng bata ay ang kanyang may kapansanang paa. Matatawa.)
BOY: Bakit napilay po kayo, Tiyo Simon? Totoo ba’ng sabi ni Mama na iya’y parusa ng Diyos?...
TIYO SIMON: (Matatawa) sinabi ba ng Mama mo iyon?
BOY: Oo raw e, hindi kayo nagsisimba. Hindi raw kasi kayo naniniwala sa Diyos. Hindi raw kasi...
TIYO SIMON: (Mapapabuntong-hininga) hindi totoo, Boy, na hindi ako naniniwala sa Diyos...
BOY: Pero ‘yon ang sabi ni Mama, Tiyo Simon. Hindi raw kayo nangingilin kung araw ng pangilin. Bakit hindi kayo nangingilin, Tiyo Simon?
TIYO SIMON: May mga bagay, Boy na hindi maipaliwanag. May mga bagay na hindi maipaaalam sa iba sa pamamagitan ng salita. Ang mga bagay na ito ay malalaman lamang sa sariling karanasan sa sariling pagkamulat...ngunit kung anuman itong mga bagay na ito, Boy, ay isa ang tiyak: malaki ang pananalig ko kay Bathala.
BOY: Kaya ka sasama sa amin ngayon, Tiyo Simon?...
TIYO SIMON: Oo, Boy. Sa akin, ang simbahan ay hindi masamang bagay. Kaya huwag mong tatanggihan ang pagsama sa iyo ng iyong Mama. Hindi makabubuti sa iyo ang pagtanggi, ang pagkawala ng pananalig. Nangyari na sa akin iyon at hindi ako naging maligaya.

(Titigil si Tiyo Simon sa pagsasalita na waring biglang palulungkutin ng mga alaala. Buhat sa malayo ay biglang aabot ang alingawngaw ng tinutugtog na kamapana. Magtatagal nang ilang sandali pagkuwa’y titigil ang pagtugtog ng batingaw. Magbubuntung hininga si Tiyo Simon, titingnan ang kanyang may kapansanang paa, tatawa nang mahina at saka titingin kay Boy).

TIYO SIMON: Dahil sa kapansanang ito ng aking paa, Boy, natutuhan kong tumalikod, hindi lamang sa simbahan, kundi sa Diyos. Nabasa ko ang The Human Bondage ni Maugham at ako’y nanalig sa pilosopiyang pinanaligan ng kanyang tauhan doon, ngunit hindi ako naging maligaya, Boy, hindi ako nakaramdam ng kasiyahan.
BOY: Ano ang nangyari, Tiyo Simon?...
TIYO SIMON: Lalo akong naging bugnutin, magagalitin. Dahil doon, walang natuwang tao sa akin, nawalan ako ng mga kaibigan, hanggang sa mapag-isa ako...hanggang isang araw ay nangyari sa akin ang isang sakunang nagpamulat sa aking paningin.
BOY: Ano iyon, Tiyo Simon...?

(Uunat sa pagkakaupo si Tiyo Simon at dudukot sa kanyang lukbutan. Maglalabas ng isang bagay na makikilala na isang sirang manikang maliit.)

TIYO SIMON: ito ay isang manika ng batang nasagasaan ng trak. Patawid siya noon at sa kanyang pagtakbo ay nailaglag niya ito. Binalikan niya ito ngunit siyang pagdaan ng trak at siya’y nasagasaaan...nasagasaan siya. Nadurog ang kanyang binti, namatay ang bata...namatay nakita ko, ng dalawang mata, ako noo’y naglalakad sa malapit...at aking nilapitan, ako ang unang lumapit kaya nakuha ko ang manikang ito at noo’y tangang mahigpit ng namatay na bata, na waring ayaw bitiwan kahit sa kamatayan...
BOY: (Nakamulagat) Ano pa’ng nangyari Tiyo Simon?
TIYO SIMON: Kinuha ko nga ang manika, Boy. At noon naganap ang pagbabago sa aking sarili...sapagkat nang yumuko ako upang damputin ang manika ay nakita ko ang isang tahimik at nagtitiwalang ngiti sa bibig ng patay na bata sa kabila ng pagkadurog ng Kanyang buto...ngiting tila ba nananalig na siya ay walang kamatayan...

(Magbubuntunghinga si Tiyo Simon samantalang patuloy na nakikinig lamang si Boy. Muling maririnig ang batingaw sa malayo. Higit na malakas at madalas, mananatili nang higit na mahabang sandali sa pagtunog, pagkuwa’y titigil. Muling magbubuntunghinga si Tiyo Simon.)

TIYO SIMON: Mula noon, ako’y nag-isip na, Boy. Hindi ko na makalimutan ang pangyayaring iyon. Inuwi ko ang manika at iningatan, hindi inihiwalay sa aking katawan, bilang tagapagpaalalang lagi sa akin ng matibay at mataos na pananalig ng isang batang hanggang sa oras ng kamatayan ay nakangiti pa. At aking tinandaan sa isip: kailangan ng isang tao ang pananalig kay Bathala, kung may panimbulanan siya sa mga sandali ng kalungkutan, ng sakuna, ng mga kasawian...upang may makapitan siya kung siya’y iginugupo na ng mga hinanakit sa buhay.
(Mahabang katahimikan ang maghahari. Pagkuwa’y maririnig ang matuling yabag na papalapit. Sumungaw ang mukha ng ina ni Boy sa pinto.)
INA: Tayo na, baka wala na tayong datnang misa. Hinahanap ko pa kasi ang aking dasalan kaya ako natagalan. Tayo na, Boy...Kuya
BOY: (Paluksu-luksong tutunguhin ang pinto) Tayo na Mama, kanina pa nga po tugtog nang tugtog ang kampana, e. Tayo na, Tiyo Simon, baka tayo mahuli, tayo na!

(Muling maririnig ang tugtog ng kmapana sa malayo. Nagmamadaling lalabas si Boy sa pinto. Lalong magiging madalas ang pagtugtog ng kampana lalong magiging malakas, habang bumababa ang tabing).

KAPAG NAIISAHAN AKO NG AKING DIYOS

KAPAG NAIISAHAN AKO NG AKING DIYOS
Ni Raquel E. Sison-Buban

Madalas kong kontrolin ang mga bagay-bagay at pangyayari sa buhay ko dahil ayokong-ayokong pumapalpak. Kasi takot akong mawala at mawalan. Takot akong mawala sa sirkulasyon ng dati nang nakagawiang ritmo ng buhay. Takot din akong mawalan nang ini-enjoy na pribilehiyo at istatus sa buhay. Kaya gusto kong kontrolado ko ang lahat ng bagay sa aking buhay.
Madalas ko ring makita ang sarili kong walang kontrol—lalo na kapag ginagawa ko ang isang bagay na gustong-gusto kong gawin, o mga bagay na gustong-gusto kong mapasaakin; maging materyal man o hindi. Bunga ng mga ito, madalas mangyari sa akin ang mga labis kong kinatatakutan: ang pumalpak, ang mawala, at mawalan.
Madalas matuklasan na ang may pakana at may kagagawan ng lahat ng ito ay ang aking Diyos. Sa likod ng lahat ng mga pangyayaring ito sa aking buhay ang aking Diyos ang siyang manggugulo sa akin sukat masira ang lahat ng plano ko sa buhay. Sa tuwing, ako’y madidismaya sa kapalpakan ng isang plano, madalas kong maisip na, “Naisahan na naman ako ng aking Diyos!”
Madalas hinahanap ko sa aking sarili kung bakit sa kabila ng katotohanang ito, hindi pa rin ako matuto-tuto. Plano pa rin nang plano kahit alam ko namang malaki ang posibilidad na hindi naman ito matutuloy dahil guguluhin na naman ito ng aking Diyos. Pilit ko pa ring kinokontrol ang mga bagay kahit alam kong hindi ito nakatutulong sa akin.
Simple lang naman ang gustong sabihin ng aking Diyos. Kailangan kong ibigay ang lahat ng aking pananalig at pag-asa sa Kanya. Kailangang hayaan ko ang Kanyang kamay na siyang magplano para sa akin. Kailangang ipaubaya ko sa kanya ang plano dahil ang totoo, siya ang pinakamahusay na arkitekto ng buhay.
Simple pero mahirap gawin. Gayunman, pwedeng gawin. Lalo’t hahayaan ko ang aking sariling matakot sa mga dati ko nang kinatatakutan: ang mawala at mawalan. Eh, ano nga kaya, kung mawala ako at mawalan? Eh, ano nga kaya kung talagang hindi ko na makilala ang aking sarili dahil maiiba ang nakagawiang leybel sa akin na ikararangal ko? Eh, ano nga kaya kung maging palpakin ako? Teka, lalo yata akong natatakot. Pero huhulihin ko ang aking sarili at paalalahanan, hindi naman iyan ang ibig mangyari sa akin ng aking Diyos.
Hindi naman ibig ng Diyos na maging palpakin ako. Sa halip ibig niya akong magtagumpay—ibang depinisyon nga lamang siguro ng tagumpay. Tagumpay na di material. Tagumpay na magpapalakas sa aking kahinaan. Tagumpay laban sa takot. Tagumpay laban sa di maipaliwanag na pagkahumaling sa pagkontrol. Tagumpay na sa kabila ng kabiguan ay Makita ang sariling may bakas pa rin ng tagumpay. Tagumpay na kung mawawala sa dikta ng nakagawiang ritmo ng buhay. Tagumpay na bukod-tanging ang aking Diyos lamang at ako ang makauunawa.
Kaya madalas, iniimbitahan ko na ang aking Diyos na bulabugin ako sa aking buhay.

Sunday, August 3, 2014

Ang Matalinong Pilandok

Ang Matalinong Pilandok
(natalo rin si Pilandok)

Isang mainit na hapon, isang matalinong pilandok ang umiinom sa isang malinaw na batis sa gubat. Habang siya ay umiinom, isang tigre ang dumaan. Napahinto ang tigre pagkakita sa pilandok. Pasalbaheng tumawa ang tigre at sinabi nito sa mabangis na tinig, "Aha! Munting Pilandok, kaysarap mong gawing hapunan! Dalian mo't ihanda mo ang iyong sarili upang maging pagkain, dahil maghapon akong hindi kumakain." 
"Maghapon kang walang makain?" tanong ni Pilandok, nagkukunwang naaawa sa tigre. Ang totoo'y nanginginig siya sa takot pagkakita sa malalaking panga at matatalim na ngiping garing ng tigre. Ngunit pinilit niyang huwag magpahalata. Dugtong niya, "O, kawawang Tigre! Ang totoo, gusto kong magkaroon ka ng masarap na hapunan, pero palagay ko'y hindi ka mabubusog sa isang munting hayop na tulad ko." 
"Pero nagugutom ako!" atungal ni Tigreng hindi na makapaghintay. 
"Iyon nga!" sigaw ni Pilandok habang nag-iisip ng gagawin. "Ang kailangan mong pambusog sa iyong gutom ay laman ng tao." 
"At ano ang tao, Pilandok?" 
"Di mo ba alam kung ano ang tao?" sambit ni Usa, na nagkukunwang namangha. 
"Hindi. Hindi ko yata alam," sabi ni Tigreng nagiging mausisa. "Sabihin mo, Pilandok, ano ba ang tao?" 
"Buweno," sabi ni Pilandok na nasiyahan sapagkat ang Tigre ay nahuhulog na sa kanyang bitag. "Ang tao ay isang uri ng hayop na may dalawang paa at siyang pinakamakapangyarihang hayop sa mundo." 
"Totoo? Mas malakas pa kaysa akin?" tanong ng Tigre na medyo nasaktan. 
"A,oo, pero kung napakabilis mo, puwede mo siyang sagpangin at gawing hapunan." 
"Magaling. Pero kung hindi ako makasunggab ng tao, ikaw ang aking kakainin. Kasunduan ba natin ito?" 
"Kasunduan!" sigaw ni Pilandok na nasiyahan. 
"Pero saan ako makakakita ng tao? Ipakita mo agad ito sa akin dahil ako'y gutom na gutom na. Kundi ka magmamadali, kakainin kita ngayon din!" 
"Makapaghintay ka sana, dakilang Tigre," sagot ni Pilandok. "Sumama ka ngayon sa akin sa gilid ng daan at baka may isang taong magdaan." 
At sinamahan ng Pilandok ang tigre sa gilid ng daan Habang nakakubli sa damuhan, naghintay sila ng pagdaan ng tao. Di nagtagal ay dumaan ang isang batang lalaking papunta sa eskwela. Abala siyang nag-iisip ng kanyang gawaing-bahay at di niya namamalayang dalawang hayop ang nagmamatyag sa kanya. 
"Iyon ba ang tao?" tanong ni Tigre. "Ba, tiyak kong mas malaks ako sa kanya!" pangungutya niyon. 
"Ba, hindi iyon ang tao," sagot ni Pilandok. "Iyo'y patungo pa lang sa pagiging tao. Kailangan pa niya ang maraming taon-dalawampu o higit pa marahil kaya maaaring patay ka na noon." 
Pagkaraa'y isang matandang lalaki ang mabagal na lumakad sa ibaba ng daan. Matandang-matanda na ang lalaki at ang balbas niya'y simputi ng yelo. At siya'y nakatungkod habang naglalakad. 
"Tiyak na iyan ang taong sinasabi mo. Di kataka-takang napakapayat niya pagkaraang mabuhay nang maraming taon! Niloloko mo naman ako," galit na sabi ni Tigre. 
"Hindi, hindi! Hindi iyan tao. Tira-tirahan lang iyan ng isang tao. Ang isang mabuting hayop na tulad mo'y ayaw kumain ng tira, di ba?" 
"Hindi, hindi, syempre. Pero hindi ko rin gustong maghintay pa." 
"Shhh! Narito na ang isang tunay na tao!" sabi ng Usa, habang paparating ang matabang katawang punung-puno ng laman at ang kanyang mamula-mulang pisnging sagana sa dugo. Tiyak na hindi mo na ako gustuhing kainin 'pag nakain mo ang taong iyon, di ba?" 
"Baka nga, Pilandok, baka nga! Panoorin mo ako ngayon!" Pagkasabi niyon ay sinugod ng tigre ang mangangaso. Ngunit mas mabilis ang mangangaso kaysa kanya. Itinutok ng mangangaso ang kanyang riple at binaril ang tigre noon din. 
Masaya si Pilandok dahil nakaligtas siya, ngunit sa sobrang pagod ay bumalik siya sa batis para uminom. Habang siya'y umiinom, biglang may sumakmal sa isang paa niya. Sumigaw siya, ngunit nang makita niya kung sino ang sumakmal sa kanya ay tiniis niya ang sakit at mabilis na nag-isip. 
Ang buwaya iyon, isa sa kanyang mahihigpit na kaaway. Galit ang buwaya sa pilandok dahil sa mga panlilinlang nito. At galit din ang pilandok sa buwaya dahil palagi siyang tinatakot nito tuwing gusto niyang uminom sa batis. Ngayo'y lalo siyang galit, ngunit itinago niya ang kanyang damdamin at nakuha pa niyang tumawa. Nagsabi siya sa mapanghamak na tinig: "Ay, kawawang Buwaya, kailan mo ba malalaman ang pagkakaiba ng paa ng usa at ng isang patpat? Isang lumang patpat lang iyang kagat-kagat mo!" 
Ngunit sanay na ang buwaya sa mga panlilinlang ng usa. "Huwag mo akong lokohin uli," sabi niyon. "Alam na alam kong kagat-kagat ko'y paa mo at hindi ko ito pawawalan hanggang hindi kita nakakain ng buo." 
"Pero hindi kita niloloko," sabi ng Usa. "Kung sa palagay mo'y nililinlang kita, ano ito kung gayon?" At iwinasiwas ng usa ang isa pa niyang paa sa tapat ng mukha ng buwaya. 
Ang gunggong na buaya ay naniwala sa sinbi ng usa. Mabilis niyang binitawan ang kagat na paa at sinagpang ang isa pang paa. Ngunit ito ang hinihintay na pagkakataon ng usa. Lumukso siyang palayo. Pagkaraan, nang siya'y di na maabot, binalingan niya at sinigawan ang buwaya "Higitkang gunggong kaysa asno. Ni hindi mo alam ang pagkakaiba ng aking paa at ng lumang patpat!" 
At sa gayo'y tumakbong palayo ang Pilandok, naiwan ang buwayang lumubog muli sa lawa, galit sa isa na namang pagkatalo sa patalinuhan. 
Ngayon nama'y nakatagpo ng pilandok ang isang suso. Natutuwa siyang makita ang suso dahil gusto niyang magyabang at ngayo'y makapagyayabang na siya sa suso . Hinamon niya iyon ng karera at takang-taka siya nang tanggapin iyon ng suso. At ang isa pang lalong nakakapagtaka ay ang hamon ng suso na ito'y mananalo. Tumawa ang Pilandok. Paanong maiisipan ng isang suso na manalo sa takbuhan? 
Ngunit nagkataong ang susong ito ay tuso rin. Nauna rito ay binalak na niya at ng isang kaibigan kung paano nila matatalo ang mapanloko ring pilandok. 
"Tingnan mo kung paano kang mananalo sa takbuhan, mabagal na suso," sigaw ni Pilandok at siya'y nawalang tulad ng hangin. Ngunit nang marating niya ang dulo ng takbuhan, halos mapalundag siya sa pagkabigla nang makita niyang naroon na at nauna sa kanya ang suso. Hindi matanggap ni Pilandok na siya ay natalo; hinamon niya ang suso sa panibagong karera. Ngunit kahit ilang ulit siyang maghamon, laging nananalo ang suso. 
Ngayon, ang hindi alam ng pilandok, ay laging ginagamit ng suso ang sarili nitong utak. Tuwing karera ay may ibang susong tumatayo sa dulo ng takbuhan, una'y ang kaibigan ng suso, pagkatapos ay ang orihinal na suso. Ang dalawang suso ay magkamukhang-magkamukha at akala ng pilandok ay isa lamang ang mga iyon. 
Pabalik-balik na tumakbo ang Pilandok hanggang sa maubusan siya ng lakas at hingal na hingal na bumagsak sa lupa."Nanalo ka, Ginoong Suso," pahingal na sabi ng pilandok. "suko na ako." 
At sa gayon, ang munting pilandok na nag-aakalang napakatalino niya ay natalo nang araw na iyon sa wakas-hindi ng mabangis na tigre, hindi ng mabagsik na buwaya, hindi ng ano pa mang malalaking hayop sa gubat, kundi ng isang maliit at madulas na suso!



Alamat ng Isla ng Pitong Kasalanan

Alamat ng Isla ng Pitong Kasalanan

Nang kakaunti pa ang mga taong naninirahan sa Isla ng Panay, may isang mangingisdang nakatira sa Iloilo. Siya'y may pitong anak na dalaga. Sabihin pa, pagkat magaganda kaya maraming binatang nanliligaw.

Dumating sa Panay ang mga mangangalakal na galing sa Borneo.

Nagustuhan ng mga ito ang mga dalaga kaya sila'y hinandugan ng regalo. Tinanggap naman ang mga alaala bagamat hindi tiyak ng mga dalaga kung ang mga ito ay tunay ngang kanilang iniibig. Tumutol ang ama pagkat batid niyang ang kanyang mga anak ay isasama sa Borneo pag-uwi ngmga negosyante. Sa gayon siya'y mapapag-isa. Subalit walang nagawa ang kanyang pagtutol.

Isang hapon ang ama ay nagpunta sa dagat upang mamingwit. Nang siya'y makaalis ang pitong anak na dalaga ay sumama sa mga mangangalakal. Dinala nila ang kanilang mga kasangkapan at sumakay sa batel. Nang sila'y nasa Straight ng Guimaras, nakita ng ama ang tatlong sasakyang kanilang kinalululanan. Ang ama'y humabol subalit hindi inabutan ng kanyang maliit at mabagal na bangka ang mabibilis na praw ng mga taga-Borneo.

Ang kaawa-awang matanda ay pagod na pagod sa kagagaod. Siya'y nagmakaawa, "Mga anak ko, magbalik kayo. Huwag ninyo akong iwan!" Siya'y nanambitan at lumuha ng masaganang luhang sing-alat ng dagat. Malamig na simoy ng habagat ang kanyang nadama, bilang katugunan sa kanyang daing, ang alapaap ay nagdilim. Ang langit ay nagsungit... Kumidlat at umugong ang kulog. Pumatak ang mabigat na ulan. Nawala sa malas niya ang mga araw.

Umuwi ang matanda. Siya'y umiyak nang umiyak. Ang kanyang masaganang luha ay nakikipagtimpalak sa patak ng ulan. Hindi siya nakatulog nang gabing iyon. Ang mga anak ang kanyang naalaala.

Kinaumagahan, kinuha ang kanyang bangka at pumalaot sa gitna ng dagat sa pagbabaka-sakaling makita ang mga anak na lulan ng mga praw. Baka raw naantala ng bagyo ang kanilang sasakyan. Sa kanyang pagtataka ang kanyang nakita sa malayong tanaw ay maliliit na isla na wala roon nang nakaraang araw. Siya ay gumaod nang gumaod. Kanyang nakita ang mga pira-pirasong labi ng praw ng mga taga-Borneo na lumulutang malapit sa mga isla. Kanyang binilang ang mga isla sa kanyang mga daliri. Pito! Sila ang mga anak na dalagang nangalunod. 

Ang mga praw na kanilang sinasakyan ay winasak ng malakas na bagyo. Ang mga sasakya'y nilansag ng hangin at malakas naulan. Ang mga ito'y napadpad sa coral reef at mga bato.

Ang mga walang turing na anak na dalaga ay naging mga isla.

Tinawag na Mga Isla ng Pitong Makasalanan (Isla de los Siete Pecados.)


“ANG ALAMAT NG PALENDAG (Kwento/Magindanaw).


“ANG ALAMAT NG PALENDAG (Kwento/Magindanaw).
Salin ni Elvira B. Estravo ng “The Legend of Palendag”

Ang palendag ay isang instrumentong pang-musika ng mga Magindanaw. Ito’y
galling sa salitang Magindanaw na lendag, na nangangahulugang “paghikbi.”
Gawa ito sa isang uri ng kawayang tinatawag na bakayawan ang mga katutubo. Ito’y may
habang dalawa hanggang tatlong talampakan, may tigdadalawang butas sa magkabilang
gilid na isang pulgada ang pagitan. Tinutugtog ito na gaya ng plauta.
 Karaniwang tinutugtog ito ng isang nabigong mangingibig upang aliwin ang sarili.
Nabibigyang-kahulugan ng isang mahusay na tumugtog sa palendag ang iba’t ibang
damdamin at nakalilikha ng isang maganda at makaantig- damdaming musika.
Ayon sa alamat, may isang binatang umibig sa pinakamagandang dalaga sa pook.
Nagkakaisa ang kanilang damdamin, ngunit dahil sa ipinagbabawal ng tradisyong
Magindanaw ang pagliligawan, ang kanilang pagmamahalan ay nanatiling lihim. Lihim man
ang pag-iibigan, waring walang hanggan ito.
Isang araw, tinawag ng datu ang binata. Bilang isang kawal ng sultan, binigyan siya
ng misyon sa isang malayong lugar. Sa pamamagitan ng isang kaibigan, nagkita ang
dalawa bago makaalis ang binata. Nalungkot ang dalaga sa nalamang misyon ng lalaki.
Inaliw siyang aalalahanin at uuwi agad pagkatapos ng misyon. Ipinangako rin niyang
susulat nang madalas.
Sa unang ilang linggo, panay ang dating ng sulat na punung-puno ng pagmamahal at
pag-aalaala. Pagkatapos ng ilang buwan, dumalang ang dating ng sulat hanggang sa ito’y  tuluyang nawala.
Isang araw, nabalitaan niya sa isang pinsan ang nakalulungkot na balitang ang
binata ay ikinasal sa ibang babae, sa lugar ng kanyang misyon.
Lubhang nasaktan ang dalagang manghahabi. Upang maitago ang kalungkutan sa
mga magulang, maraming oras ang ginugugol niya sa kanyang habihan. Parati siyang
umiiyak nang tahimik. Ang kanyang luha’y laging pumapatak sa kapirasong kawayang
ginagamit sa paghabi. Nagkabutas ang kawayan dahil sa laging pagpatak dito ng luha ng
dalaga. Isang araw, sa di sinasadyang pagkakataon, nahipan niya ito at lumabas ang isang
matamis at malungkot na tunog. Mula noon, inaliw niya ang sarili sa pagtugtog ng palendag,

ang pangalang ibinigay sa kakaibang instrumentong pangmusika.

INDARAPATRA AT SULAYMAN

INDARAPATRA AT SULAYMAN

            Si Indarapatra ay ang matapang na hari ng Mantapuli. Nabalitaan niya ang malimit na pananalakay ng mga dambuhalang ibon at mababangis na hayop sa ibang panig ng Mindanao. Labis niyang ikinalungkot ang mga nangyayaring ito sa mga naninirahan sa labas ng kaharian ng Mantapuli.
                Ipinatawag ni Indarapatra ang kanyang kapatid na si Sulayman, isang matapang na kawal. Inutusan ni Indarapatra si Sulayman upang puksain ang mga ibon at hayop na namiminsala sa mga tao. Agad na sumunod si Sulayman. Bago umalis si Sulayman, nagtanim si Indarapatra ng halawan sa may durungawan. Aniya kay Sulayman, "Sa pamamagitan ng halamang ito ay malalaman ko ang nangyayari sa iyo. Kapag namatay ang halamang ito, nanganaghulugang ikaw ay namatay."
                Sumakay si Sulayman sa hangin. Narating niya ang Kabilalan. Wala siyang nakitang tao. Walang anu-ano ay nayanig ang lupa, kaya pala ay dumating ang halimaw na si Kurita. Matagal at madugo ang paglalaban ni Sulayman at ni Kurita. Sa wakas, napatay rin ni Sulayman si Kurita, sa tulong ng kanyang kris.
                Nagtungo naman si Sulayman sa Matutum. Kanyang hinanap ang halimaw na kumakain ng tao, na kilala sa tawag na Tarabusaw. Hinagupit nang hinagupit ni Tarabusaw si Sulayman sa pamamagitan ng punongkahoy. Nang nanlalata na si Tarabusaw ay saka ito sinaksak ni Sulayman ng kanyang espada.
                Pumunta si Sulayman sa Bundok ng Bita. Wala rin siyang makitang tao. Ang iba ay nakain na ng mga halimaw at ang natirang iba ay nasa taguan. Luminga-linga pa si Sulayman nang biglang magdilim pagkat dumating ang dambuhalang ibong Pah. Si Sulayman ang nais dagitin ng ibon. Mabilis at ubos lakas ng tinaga ito ni Sulayman. Bumagsak at namatay ang Pah. Sa kasamaang palad nabagsakan ng pakapak ng ibon si Sulayman na siya niyang ikinamatay.
                Samantala, ang halaman ni Sulayman sa Mantapuli ay laging pinagmamasdan ni Indarapatra. Napansin niyang nanlata ang halaman at alam niyang namatay si Sulayman.
                Hinanap ni Indarapatra ang kanyang kapatid. Nagpunta siya sa Kabalalan at nakita niya ang kalansay ni Tarabusaw. Alam niyang napatay ito ng kapatid niya. Ipinagpatuloy ni Indarapatra ang paghahanap niya kay Sulayman. Narating niya ang bundok ng Bita. Nakita niya ang patay na ibong Pah. Inangat ni Indarapatra ang pakpak ng ibon at nakita ang bangkay ni Sulayman. Nanangis si Indarapatra at nagdasal upang pabaliking muli ang buhay ni Sulayman. Sa di kalayua'y may nakita siyang banga ng tubig. Winisikan niya ng tubig ang bangkay at muling nabuhay si sulayman. Parang nagising lamang ito mula sa mahimbing na pagtulog. Nagyakap ang magkapatid dahil sa malaking katuwaan.
                Pinauwi na ni Indarapatra si Sulayman. Nagtuloy pa si Indarapatra sa Bundok Gurayu. Dito'y wala ring natagpuang tao. Nakita niya ang kinatatakutang ibong may pitong ulo. Sa tulong ng kanyang engkantadong sibat na si juris pakal ay madali niyang napatay ang ibon.
                Hinanap niya ang mga tao. May nakita siyang isang magandang dalaga na kumukuha ng tubig sa sapa. Mabilis naman itong nakapagtago. Isang matandang babae ang lumabas sa taguan at nakipag-usap kay Indarapatra. Ipinagsama ng matandang babae si Indarapatra sa yungib na pinagtataguan ng lahat ng tao sa pook na iyon. Ibinalita ni Indarapatra ang mga pakikilaban nilang dalawa ni Sulayman sa mga halimaw at dambuhalang ibon. sinabi rin niyang maaari na silang lumabas sa kanilang pinagtataguan. Sa laki ng pasasalamat ng buong tribu, ipinakasal kay Indarapatra ang anak ng hari, ang magandang babaeng nakita ni Indarapatra sa batisan.


PAGISLAM: Ang Pagbibinyag ng mga Muslim

PAGISLAM: Ang Pagbibinyag ng mga Muslim
(Sanaysay/Muslim)
Salin mula sa Ingles ni
Elvira B. Estravo

Naniniwala ang mga Muslim na ang isang sanggol ay ipinanganak na walang kasalanan kaya di kailangang binyagan upang ito ay maalis. Ganoon pa man, mayroon silang ilang seremonya na kahalintulad ng binyag na tinatawag napagislam. Pinaniniwalaang ito ay ang pagbibiyag ng mga Muslim.
Sa katunayan, mayroon silang tatlong uri ng seremonyang panrelihiyon na napapaloob sa pagislam, na ginagawa sa tatlong magkakaibang araw sa buhay ng isang sanggol.
Ang unang seremonya ay ginagawa ilang oras pagkapanganak. Isangpandita ang babasa ng adzan o kang sa kanang tainga ng sanggol. Ito’y ginagawa ipang dito’y ikintal na siya’y ipinanganak na Muslim at ang unang salitang maririnig ay ang pangalan ni Allah.
Ang pangalawang seremonya ay higit na kilala bilang penggunting o pegubad. Ginagawa ito pitong araw pagkapanganak. Naghahandog ang mgamagulang ng kanduli, isang salu-salo bilang pasasalamat sa pagkakaroon ng anak. Dito’y inaanyayahan ang mga kaibigan, kamag-anakan at pandita.
Ang paghahanda ay ayon sa antas ng kabuhayan ng mga magulang sa pamayanan. Karaniwang nagpapatay ng hayop, kambing o baka. Ang hayop na ito’y tinatawag na aqiqa, na ang ibig sabihi’y paghahandog ng pagmamahal at pasasalamat.
Sa okasyong ito, ang binibinyagan o pinararangalan ay binibigyan ng pangalan ng isang pandita pagkatapos na makaputol ng ilang hibla ng buhok ng sanggol. Inilalagay sa isang mangkok na tubig ang pinutol na buhok. Ayon sa paniniwalang Maguindanao, pag lumutang ang buhok magiging maginhawa at matagumpay ang tatahaking buhay ng bata ngunit kapag ito’y lumubog, siya’y magdaranas ng paghihikakos at paghihirap. Ang bahaging ito ng seremonya ay di kinikilala ng Islam ngunit dahil bahagi ito ng tradisyon, patuloy pa ring ginagawa ng ilang Maguindanawon. Isa pa ring bahagi ng tradisyon na kasama ng seremonya ay ang paghahanda ng buaya. Ito ay kakaning korteng buaya na gawa sa kanin, dalawang nilagang itlog ang pinakamata at laman ng niyog ang ginagawang ngipin. Nilalagyan din ang buaya ng manok na niluto sa gatang kinulayan ng dilaw. Inihahanda ito ng isang matandang babaeng tinatawag nilang walian, isang katutubong hilot na may kaalaman sa kaugaliang ito. Ginagawa ito para sa kaligtasan ng bata kung naglalakbay sa tubig. Pinakakain sa mga batang dumalo sa seremonya ang buaya.

Ang ikatlo at huling seremonya ayang pagislam. Ginagawa ito kung ang bata ay nasa pagitan ng pito hanggang sampung taong gulang. Tampok na gawain sa seremonyang ito ang pagtutuli. Tinatawag na pagislam para sa mga batang lalaki at sunnah para sa mga batang babae. Ginagawa ito upang alisin ang dumi sa kanilang pag-aari. Ang pagislam ay ginagawa ng isang walian, na karaniwang isang matandang babae na may kaalaman sa kaugaliang ito. Ang seremonya ay karaniwang ginagawa sa araw ng Maulidin Nabi o sa ibang mahalagang banal na araw ng mga Muslim.