Sunday, August 3, 2014

Ang Matalinong Pilandok

Ang Matalinong Pilandok
(natalo rin si Pilandok)

Isang mainit na hapon, isang matalinong pilandok ang umiinom sa isang malinaw na batis sa gubat. Habang siya ay umiinom, isang tigre ang dumaan. Napahinto ang tigre pagkakita sa pilandok. Pasalbaheng tumawa ang tigre at sinabi nito sa mabangis na tinig, "Aha! Munting Pilandok, kaysarap mong gawing hapunan! Dalian mo't ihanda mo ang iyong sarili upang maging pagkain, dahil maghapon akong hindi kumakain." 
"Maghapon kang walang makain?" tanong ni Pilandok, nagkukunwang naaawa sa tigre. Ang totoo'y nanginginig siya sa takot pagkakita sa malalaking panga at matatalim na ngiping garing ng tigre. Ngunit pinilit niyang huwag magpahalata. Dugtong niya, "O, kawawang Tigre! Ang totoo, gusto kong magkaroon ka ng masarap na hapunan, pero palagay ko'y hindi ka mabubusog sa isang munting hayop na tulad ko." 
"Pero nagugutom ako!" atungal ni Tigreng hindi na makapaghintay. 
"Iyon nga!" sigaw ni Pilandok habang nag-iisip ng gagawin. "Ang kailangan mong pambusog sa iyong gutom ay laman ng tao." 
"At ano ang tao, Pilandok?" 
"Di mo ba alam kung ano ang tao?" sambit ni Usa, na nagkukunwang namangha. 
"Hindi. Hindi ko yata alam," sabi ni Tigreng nagiging mausisa. "Sabihin mo, Pilandok, ano ba ang tao?" 
"Buweno," sabi ni Pilandok na nasiyahan sapagkat ang Tigre ay nahuhulog na sa kanyang bitag. "Ang tao ay isang uri ng hayop na may dalawang paa at siyang pinakamakapangyarihang hayop sa mundo." 
"Totoo? Mas malakas pa kaysa akin?" tanong ng Tigre na medyo nasaktan. 
"A,oo, pero kung napakabilis mo, puwede mo siyang sagpangin at gawing hapunan." 
"Magaling. Pero kung hindi ako makasunggab ng tao, ikaw ang aking kakainin. Kasunduan ba natin ito?" 
"Kasunduan!" sigaw ni Pilandok na nasiyahan. 
"Pero saan ako makakakita ng tao? Ipakita mo agad ito sa akin dahil ako'y gutom na gutom na. Kundi ka magmamadali, kakainin kita ngayon din!" 
"Makapaghintay ka sana, dakilang Tigre," sagot ni Pilandok. "Sumama ka ngayon sa akin sa gilid ng daan at baka may isang taong magdaan." 
At sinamahan ng Pilandok ang tigre sa gilid ng daan Habang nakakubli sa damuhan, naghintay sila ng pagdaan ng tao. Di nagtagal ay dumaan ang isang batang lalaking papunta sa eskwela. Abala siyang nag-iisip ng kanyang gawaing-bahay at di niya namamalayang dalawang hayop ang nagmamatyag sa kanya. 
"Iyon ba ang tao?" tanong ni Tigre. "Ba, tiyak kong mas malaks ako sa kanya!" pangungutya niyon. 
"Ba, hindi iyon ang tao," sagot ni Pilandok. "Iyo'y patungo pa lang sa pagiging tao. Kailangan pa niya ang maraming taon-dalawampu o higit pa marahil kaya maaaring patay ka na noon." 
Pagkaraa'y isang matandang lalaki ang mabagal na lumakad sa ibaba ng daan. Matandang-matanda na ang lalaki at ang balbas niya'y simputi ng yelo. At siya'y nakatungkod habang naglalakad. 
"Tiyak na iyan ang taong sinasabi mo. Di kataka-takang napakapayat niya pagkaraang mabuhay nang maraming taon! Niloloko mo naman ako," galit na sabi ni Tigre. 
"Hindi, hindi! Hindi iyan tao. Tira-tirahan lang iyan ng isang tao. Ang isang mabuting hayop na tulad mo'y ayaw kumain ng tira, di ba?" 
"Hindi, hindi, syempre. Pero hindi ko rin gustong maghintay pa." 
"Shhh! Narito na ang isang tunay na tao!" sabi ng Usa, habang paparating ang matabang katawang punung-puno ng laman at ang kanyang mamula-mulang pisnging sagana sa dugo. Tiyak na hindi mo na ako gustuhing kainin 'pag nakain mo ang taong iyon, di ba?" 
"Baka nga, Pilandok, baka nga! Panoorin mo ako ngayon!" Pagkasabi niyon ay sinugod ng tigre ang mangangaso. Ngunit mas mabilis ang mangangaso kaysa kanya. Itinutok ng mangangaso ang kanyang riple at binaril ang tigre noon din. 
Masaya si Pilandok dahil nakaligtas siya, ngunit sa sobrang pagod ay bumalik siya sa batis para uminom. Habang siya'y umiinom, biglang may sumakmal sa isang paa niya. Sumigaw siya, ngunit nang makita niya kung sino ang sumakmal sa kanya ay tiniis niya ang sakit at mabilis na nag-isip. 
Ang buwaya iyon, isa sa kanyang mahihigpit na kaaway. Galit ang buwaya sa pilandok dahil sa mga panlilinlang nito. At galit din ang pilandok sa buwaya dahil palagi siyang tinatakot nito tuwing gusto niyang uminom sa batis. Ngayo'y lalo siyang galit, ngunit itinago niya ang kanyang damdamin at nakuha pa niyang tumawa. Nagsabi siya sa mapanghamak na tinig: "Ay, kawawang Buwaya, kailan mo ba malalaman ang pagkakaiba ng paa ng usa at ng isang patpat? Isang lumang patpat lang iyang kagat-kagat mo!" 
Ngunit sanay na ang buwaya sa mga panlilinlang ng usa. "Huwag mo akong lokohin uli," sabi niyon. "Alam na alam kong kagat-kagat ko'y paa mo at hindi ko ito pawawalan hanggang hindi kita nakakain ng buo." 
"Pero hindi kita niloloko," sabi ng Usa. "Kung sa palagay mo'y nililinlang kita, ano ito kung gayon?" At iwinasiwas ng usa ang isa pa niyang paa sa tapat ng mukha ng buwaya. 
Ang gunggong na buaya ay naniwala sa sinbi ng usa. Mabilis niyang binitawan ang kagat na paa at sinagpang ang isa pang paa. Ngunit ito ang hinihintay na pagkakataon ng usa. Lumukso siyang palayo. Pagkaraan, nang siya'y di na maabot, binalingan niya at sinigawan ang buwaya "Higitkang gunggong kaysa asno. Ni hindi mo alam ang pagkakaiba ng aking paa at ng lumang patpat!" 
At sa gayo'y tumakbong palayo ang Pilandok, naiwan ang buwayang lumubog muli sa lawa, galit sa isa na namang pagkatalo sa patalinuhan. 
Ngayon nama'y nakatagpo ng pilandok ang isang suso. Natutuwa siyang makita ang suso dahil gusto niyang magyabang at ngayo'y makapagyayabang na siya sa suso . Hinamon niya iyon ng karera at takang-taka siya nang tanggapin iyon ng suso. At ang isa pang lalong nakakapagtaka ay ang hamon ng suso na ito'y mananalo. Tumawa ang Pilandok. Paanong maiisipan ng isang suso na manalo sa takbuhan? 
Ngunit nagkataong ang susong ito ay tuso rin. Nauna rito ay binalak na niya at ng isang kaibigan kung paano nila matatalo ang mapanloko ring pilandok. 
"Tingnan mo kung paano kang mananalo sa takbuhan, mabagal na suso," sigaw ni Pilandok at siya'y nawalang tulad ng hangin. Ngunit nang marating niya ang dulo ng takbuhan, halos mapalundag siya sa pagkabigla nang makita niyang naroon na at nauna sa kanya ang suso. Hindi matanggap ni Pilandok na siya ay natalo; hinamon niya ang suso sa panibagong karera. Ngunit kahit ilang ulit siyang maghamon, laging nananalo ang suso. 
Ngayon, ang hindi alam ng pilandok, ay laging ginagamit ng suso ang sarili nitong utak. Tuwing karera ay may ibang susong tumatayo sa dulo ng takbuhan, una'y ang kaibigan ng suso, pagkatapos ay ang orihinal na suso. Ang dalawang suso ay magkamukhang-magkamukha at akala ng pilandok ay isa lamang ang mga iyon. 
Pabalik-balik na tumakbo ang Pilandok hanggang sa maubusan siya ng lakas at hingal na hingal na bumagsak sa lupa."Nanalo ka, Ginoong Suso," pahingal na sabi ng pilandok. "suko na ako." 
At sa gayon, ang munting pilandok na nag-aakalang napakatalino niya ay natalo nang araw na iyon sa wakas-hindi ng mabangis na tigre, hindi ng mabagsik na buwaya, hindi ng ano pa mang malalaking hayop sa gubat, kundi ng isang maliit at madulas na suso!



No comments:

Post a Comment