“ANG ALAMAT
NG PALENDAG (Kwento/Magindanaw).
Salin ni
Elvira B. Estravo ng “The Legend of Palendag”
Ang palendag ay isang
instrumentong pang-musika ng mga Magindanaw. Ito’y
galling sa salitang Magindanaw na
lendag, na nangangahulugang “paghikbi.”
Gawa ito sa isang uri ng kawayang
tinatawag na bakayawan ang mga katutubo. Ito’y may
habang dalawa hanggang tatlong
talampakan, may tigdadalawang butas sa magkabilang
gilid na isang pulgada ang
pagitan. Tinutugtog ito na gaya ng plauta.
Karaniwang tinutugtog ito ng isang nabigong
mangingibig upang aliwin ang sarili.
Nabibigyang-kahulugan ng isang
mahusay na tumugtog sa palendag ang iba’t ibang
damdamin at nakalilikha ng isang
maganda at makaantig- damdaming musika.
Ayon sa alamat, may isang
binatang umibig sa pinakamagandang dalaga sa pook.
Nagkakaisa ang kanilang damdamin,
ngunit dahil sa ipinagbabawal ng tradisyong
Magindanaw ang pagliligawan, ang
kanilang pagmamahalan ay nanatiling lihim. Lihim man
ang pag-iibigan, waring walang
hanggan ito.
Isang araw, tinawag ng datu ang
binata. Bilang isang kawal ng sultan, binigyan siya
ng misyon sa isang malayong
lugar. Sa pamamagitan ng isang kaibigan, nagkita ang
dalawa bago makaalis ang binata.
Nalungkot ang dalaga sa nalamang misyon ng lalaki.
Inaliw siyang aalalahanin at uuwi
agad pagkatapos ng misyon. Ipinangako rin niyang
susulat nang madalas.
Sa unang ilang linggo, panay ang
dating ng sulat na punung-puno ng pagmamahal at
pag-aalaala. Pagkatapos ng ilang
buwan, dumalang ang dating ng sulat hanggang sa ito’y tuluyang nawala.
Isang araw, nabalitaan niya sa
isang pinsan ang nakalulungkot na balitang ang
binata ay ikinasal sa ibang
babae, sa lugar ng kanyang misyon.
Lubhang nasaktan ang dalagang
manghahabi. Upang maitago ang kalungkutan sa
mga magulang, maraming oras ang
ginugugol niya sa kanyang habihan. Parati siyang
umiiyak nang tahimik. Ang kanyang
luha’y laging pumapatak sa kapirasong kawayang
ginagamit sa paghabi. Nagkabutas
ang kawayan dahil sa laging pagpatak dito ng luha ng
dalaga. Isang araw, sa di
sinasadyang pagkakataon, nahipan niya ito at lumabas ang isang
matamis at malungkot na tunog.
Mula noon, inaliw niya ang sarili sa pagtugtog ng palendag,
ang pangalang ibinigay sa
kakaibang instrumentong pangmusika.
No comments:
Post a Comment