Thursday, August 28, 2014

walang sugat

 WALANG SUGAT
                                                                    (Ni Severino Reyes)

Unang Bahagi
I TAGPO
(Tanaggapan ng bahay ni Julia. Si Julia at ang mga bordador Musika)

Koro : Ang karayom kung iduro
Ang daliri’y natitibo,
Kapag namali ng duro
Burda nama’y lumiliko

Julia : Anong dikit, anong inam
Ng panyong binuburdahan,
Tatlong letrang nag-agapay
Na kay Tenyong na pangalan.

Koro : Ang karayom kung itirik
tumutimo hanggang dibdib.

Julia : Piyesta niya’y kung sumipot
Pannyong ito’y iaabot,
Kalakip ang puso’t loob,
Ng kaniyang tunay na lingkod.

Si Tenyong ay mabibighani
Sa dikit ng pagkagawa
Mga kulay na sutla,
Asul, puti at pula.

Panyo’t dito ka sa dibdib,
Sabihin sa aking ibig
Na ako’y nagpapahatid
Isang matunog na halik.

Koro : Ang karayom kung iduro
Ang daliri’y natitibo.
Hoy tingnan ninyo si Julia
Pati panyo’y sinisinta,
Kapag panyo ng ibig
Tinatapos ng pilit
Nang huwag daw mapulaan
Ng binatang pagbibigyan:
Ang panyo pa’y sasamahan
Ng mainam na pagmamahal.

At ang magandang pag-ibig
Kapag namugad sa dibdib
Nalilimutan ang sakit
Tuwa ang gumugiit.

Mga irog natin naman
Sila’y pawang paghandugan
Mga panyong mainam
Iburda ang kanilang pangalan.

Julia : Piyesta niya’y kung sumipot
Panyong ito’y iaabot
Kalakip ang puso’t loob
Ng kaniyang tunay na lingkod.

Koro : Nang huwag daw mapulaan
Ng binatang pagbibigyan
Ang panyo pa’y sasamahan
Ng mainam na pagmamahal.

Salitain

Julia : Ligpitin na ninyo ang mga bastidor at kayo’y mangagsayaw na.

(Papasok ang magkasisikanta). (Lalabas si Tenyong).

II TAGPO

(Tenyong at Julia…)

Tenyong: Julia, tingnan ko ang binuburdahan mo…

Julia : Huwag na Tenyong, huwag mo nang tingnan, masama ang pagkakayari, nakakahiya.

Tenyong: Isang silip lamang, hindi ko na hihipuin, ganoon lang?… ay…

Julia : Sa ibang araw, pagkatapos na, oo, ipakikita ko sa iyo.

Tenyong: (Tangan si Julia sa kamay) Ang daliri bang ito na
Hubog kandila, na anaki’y nilalik na maputing garing,
Ay may yayariin kayang hindi mainam? Hala na, tingnan ko lamang.

Julia : Huwag mo na akong tuyain, pangit nga ang mga daliri ko.

Tenyong: (Nagtatampo) Ay!…

Julia : Bakit Tenyong, napagod ka ba? (Hindi sasagot). Masama ka palang mapagod.

Tenyong: Masakit sa iyo!

Julia : (Sarili) Nagalit tuloy! Tenyong, Tenyong…(sarili) Nalulunod pala ito sa isang tabong tubig!

Tenyong: Ay!

Julia : (Sarili) Anong lalim ng buntung hininga! (Biglang ihahagis ni Julia ang bastidor). (Sarili) Lalo ko pang pagagalitin.

Tenyong: Pupulutin ang bastidor at dala). Julia, Julia ko. (Luluhod) Patawarin mo ako; Hindi na ako nagagalit…

Julia : Masakit sa aking magalit ka at hindi. Laking bagay!

Tenyong: Lumalaganap sa dibdib ko ang masaganang tuwa, narito at nakikita ko na minarapat mong ilimbag sa panyong ito ang pangalan ko.

Julia : Hindi ah, nagkakamali ka, hindi ukol sa iyo ang panyong iyan…

Tenyong: Sinungaling! At kaninong pangalan ito? A. Antonio; N. Narciso, at F. ay Flores.

Julia : Namamali ka, hindi mo pangalan iyan.

Tenyong: Hindi pala akin at kanino nga?

Julia : Sa among! Iya’y iaalay ko sa kanya ngayong kaarawan ng pasko.

Tenyong: Kung sa among man o sa demonyo, bakit ang letra’y A, N, at F?

Julia : Oo nga sapagkat ang A, ay Among, ang N, Natin at ang F ay Frayle.

Tenyong: Among Nating Frayle, laking kaalipustaan! Huwag mo akong aglahiin nang tungkol sa mga taong iyan at madaling magpanting ang tainga ko.

Julia : Nakaganti na ako! (Dudukutin ni Tenyong sa kanyang bulsa ang posporo at magkikiskis maraming butil at nag nag-aalab na magsasalita).

Tenyong: Julia, magsabi ka ng katotohanan, para sa kura nga ba? Kapag hindi ko sinilaban, ay … sinungaling ako… mangusap ka. Susulsulan ko na? (Anyo nang sisilaban).

Musika No. 2

Julia : Huwag mong silaban ang tunay mong pangalan.

Tenyong: Sa pagkakasabi mong sa kurang sukaban nagising ang galit at di mapigilan.

Julia : Hindi maghahandog sa lahi ni Satan, ang panyong iyan ay talagang iyo, sampu ng nagburdang si Juliang iniirog mo.

Tenyong: Salamat, salamat, Juliang poon ko.

Julia : Oh, Tenyong ng puso, Oh, Tenyong ng buhay ko.

Tenyong: Pag-iibigan ta’y kahimanawari lumawig na tunay at di mapawi paglingap mo sa akin kusang mamalagi huwag malimutan sa tuwi-tuwi…

Tenyong: Julia ko’y tuparin adhikain natin.

Julia : Tayo’y dumulog sa paa ng altar.

Tenyong: Asahan mo.

Sabay: Di mumunting tuwa dito’y dumadalaw, ano pa’t wari di na mamamatay sa piling mo oh! (Tenyong) niyaring buhay (Julia) maalaalang may kabilang buhay… (Lalabas si Juana).

III TAGPO

(Tenyong, Julia, at Juana mamaya’y Lukas)
Salitain

Juana : Julia, Julia, saan mo inilagay ang baro kong makato? (Nagulat si Julia at si Tenyong)
(Lalabas si Lukas)

Lukas : Mamang Tenyong, Mamang Tenyong…!

Tenyong: Napaano ka, Lukas?

Lukas : Dinakip pa ang Tatang mo ng Boluntaryo ng Santa Maria.

Tenyong: Diyata dinakip si Tatang?

Lukas : Opo.

Tenyong: Saan kaya dinala?

Lukas : Sa Bulakan daw po dadalhin.

Tenyong: Tiya, ako po paparoon muna’t susundan si Tatang.

Juana : Hintay ka sandali at kami’y sasama. Julia, magtapis ka… (Magsisipasok sina Juana, Julia, at Lukas).

Tenyong: Oh, mundong sinungaling! Sa bawat sandaling ligayang tinatamo ng dibdib, ay tinutunungan kapagdaka ng matinding dusa! Magdaraya ka! Ang tuwang idinudulot mo sa amin ay maitutulad sa bango sa bulaklak, na sa sandaling oras ay kusang lumilipas.

(Telong Maikli)
Kalye

IV TAGPO
(Musika)
Koro at Lukas

Lukas : Tayo na’t ating dalawin mga tagarito sa atin.

Koro : Dalhan sila ng makakain at bihisan ay gayundin.

Isang Babae: Naubos na ang lalaki.

Lahat ng Babae: Lahat na’y hinuhuli mga babae kami.

Lukas : Marami pang lalaki.

Lahat ng Lalaki: Huwag malumbay…kami nasasa bahay at nakahandang tunay, laan sa lahat ng bagay…

Lahat ng Babae: (Sasalitain) Mga lalaking walang damdam, kaming mga babae’y pabayaan, di namin kayo kailangan.

Isang Lalaki: Makikita ko si Tatang.

Isang Lalaki: Kaka ko’y gayundin naman.

Isang Babae: Asawa’y paroroonan.

Isang Babae: Anak ko’y nang matingnan.

Lahat: Tayo na’t sumakay sa tren bumili pa ng bibilhin at sa kanila’y dalhin masarap na pagkain.

Mga Babae: Tayo na, tayo na.

Lahat: Sumakay na sa tren.

Mga Lalaki: Doon sa estasyon.

Lahat: Ating hihintuin. (Papasok lahat)
(Itataas ang telong maikli)

V TAGPO

(Bilangguan sa Bulakan, patyo ng Gobyerno, maraming mga bilanggong nakatali sa mga rehas).

Salitain

Relihiyoso1.0: Ah, si Kapitan Luis! Ito tagaroon sa amin; maraming tao ito…

Marcelo: Mason po yata, among?

Relihiyoso 1.0: Kung hindi man mason, marahil filibustero, sapagka’t kung siya sumulat maraming K, cabayo K.

Marcelo: Hindi po ako kabayo, among!

Relihiyoso 1.0: Hindi ko sinasabing kabayo ikaw, kundi, kung isulat niya ang kabayo may K, na lahat ng C pinapalitan ng K. Masamang tao iyan, mabuti mamatay siya.

Relihiyoso 2.0: Marcelo, si Kapitan Piton, si Kapitan Miguel, at ang Juez de Paz, ay daragdagan ng rasyon.

Marcelo: Hindi sila makakain eh!

Relihiyoso 1.0: Hindi man ang rasyon ang sinasabi ko sa iyo na dagdagan, ay ang pagkain, hindi, ano sa akin kundi sila kumain? Mabuti nga mamatay silang lahat. Ang rasyon na sinasabi ko sa iyo ay ang palo, maraming palo ang kailangan.

Marcelo: Opo, among, hirap na po ang mga katawan nila at nakaaawa po namang magsidaing; isang linggo na pong paluan ito, at isang linggo po namang walang tulog sila!

Relihiyoso 2.0: Loko ito! Anong awa-awa? Nayon wala awa-awa, duro que duro-awa-awa? Ilan kaban an rasyon? Ang rasyon nan palo, ha!

Marcelo: Dati po’y tatlong kaban at maikatlo sa isang araw na tinutuluyan, ngayon po’y lima ng kaban, at makalima po isang araw.

Relihiyoso 2.0: Samakatuwid ay limang bese 25, at makalimang 125, ay Huston 526 (binibilang sa daliri). Kakaunti pa! (bibigyan si Marcelo ng kuwalta at tabako).

Marcelo: Salamat po, among!

Relihiyoso 1.0: Kahapon ilan ang namatay?

Marcelo: Wala po sana, datapwa’t nang mag-uumaga po ay pito lamang.

Relihiyoso1.0: Bakit ganoon? (gulat)

Marcelo: Dahil po, ay si Kapitan Inggo ay pingsaulan ng hininga.

Relihiyoso 1.0; Si Kapitan Inggo pinagsaulan ng hininga! Narito si Kapitana Putin, at ibig daw makita si Kapitan Inggo na asawa niya. Kung ganoon ay hindi mamamatay si Kapitan Inggo.

Marcelo: Mamamatay pong walang pagsala: wala na pong laman ang dalawang pigi sa kapapalo, at ang dalawang braso po’y litaw na ang mga buto, nagigit sa pagkakagapos.

Relihiyoso 1.0: May buhay-pusa si Kapitan Inggo! Saan naroroon ngayon?

Marcelo: Nariyan po sa kabilang silid, at tinutuluyan uli ng limang kaban.

Relihiyoso 1.0: Mabuti, mabuti, Marcelo huwag mong kalilimutan, na si Kapitan Inggo ay araw-araw papaluin at ibibilad at buhusan ng tubig ang ilong, at huwag bibigyan ng mabuting tulugan, ha?

Marcelo: Opo, among
(Sa mga kasama niya) Companeros, habeis traido el dinero para el Gobernador?

Relihiyoso 2,3,4: Si, si, hemos traido.

Relihiyoso 1.0: Marcelo, dalhin dito si Kapitan Inggo.

Marcelo: Hindi po makalakad, eh!

Relihiyoso 1.0: Dalhin dito pati ang papag.
Relihiyoso 2.0: Tonto.

Tadeo : Bakit ka mumurahin?

Juana : Kumusta po naman kayo, among?

P. Teban: Masama, Juana, talaga yatang itong pagkabuhay namin ay lagi na lamang sa hirap, noong araw kami ay walang inaasahan kundi kaunting sweldo dahil sa kami’y alipin ng mga prayle; ngayon nga, kung sa bagay ay kami na ang namamahala, wala naman kaming kinikita; wala nang pamisa, mga patay at hindi na dinadapit; ngayon napaglirip na ang mga kabanalang ginawa ng mga tao noong araw ay pawang pakunwari at pakitang-tao lamang alinsunod sa malaking takot sa mga prayle.

Juana : Totoo po ba ang sabi mo.

P.Teban: Kaya, Juana, di-malayong kaming mga lklerigo ay mauwi sa pagsasaka, tantuin niyong kaming mga pari ay hindi mabubuhay sa panay na hangin.

Juana : Bakit dami mo pong mga pinakaing mga pamangking dalaga?

P. Teban: Siya nga, ulilang inaampon ko.

Miguel: Ay! Aling Julia… ay… ma… ma… malapit na po…

Julia : Alin po ang malapit na?

Miguel: Ang… ang… ang…

Julia : (Sarili) Ano kaya ang ibig sabihin nito?

Tadeo : Miguel, tayo na’t nagkayari na kami ng kaniyang ina.

Miguel: Ay… salamat (tuwang-tuwa.)

Julia : (Sarili) Ipinagkayari na pala ako ni Inang?

Tadeo : Ano ba ang sinabi mo?

Miguel : Sinabi ko pong … ay Julia! Ay! Aling Julia! Ay, Julia ko!

Tadeo : Wala ka nang nasabi kundi pulos na “ay”? Hindi ka nagpahayag ng pagsinta mo?

Miguel : Sinabi ko pong malapit na…

Tadeo : Malapit na ang alin?

Miguel : Itinatanong nga po sa akin kung alin ang malapit na eh, hindi ko po nasagutan…

Tadeo: Napakadungo ka! Ay Ige, tayo na’t baka ka pa mahalata…

Relihiyoso 1.0: Kapitana Putin, mana dalaw, parito kayo.
(Magsisilabas ang mga dalaw).

VI TAGPO
(Mga Relihiyoso, Putin, Juana, Julia, Tenyong, at mga dalaw, babae at lalaki).

Salitain

Relihiyoso 1.0: Kapitana Putin, ngayon makikita ma na angbtao mo, dadalhin dito, at sinabi ko sa Alkalde na huwag nang paluin, huwag nang ibibilad at ipinagbilin ko na bibigyan na ng mabuting tulugan…

Putin : Salamat po, among.

Relihiyoso 1.0: Kami ay aakyat muna sandali sa Gobernador, at sasabihin namin na pawalan, lahat ang mga bilanggo, kaawa-awa naman sila.

Putin : Opo, among, mano na nga po… Salamat po, among.
(Magsisihalik ng kamay, si Tenyong ay hindi at ang mga ibang lalaki).

Relihiyoso 1.0: (Sa mga kasama) Despues de ver el Gobernador.. a Manila, cogemeros el tren la Estacion de Guiguinto, es necesario deciral General que empiece ya a fusilar a los ricos e ilustrados de la provincia, porque esto va mal.

Relihiyoso 2.0: Ya lo creo que va mal.

Los 3 : Si, si a fusilar, a fusilar.
(Papasok ang mga pare).

VIITAGPO
(Sila rin, wala na lamang ang mga relihiyoso)

Salitain

Putin : Tenyong, kaysama mong bata, bakit ka hindi humalik ng kamay sa among?

Tenyong: Inang, ang mga kamay pong… namamatay ng kapwa ay hindi dapat hagkan, huwag pong maniniwalang sasabihin niya sa Gobernador na si Tatang ay pawalan, bagkus pa ngang ipagbibiling patayin na ngang tuluyan. (Sarili) Kung nababatid lamang ng mga ito ang pinag-usapan ng apat na lilo! Nakalulunos ang kamngmangan!
(Ipapasok si Kapitang Inggo na nakadapa sa isang papag na makitid).

Putin : Inggo ko!

Tenyong: Tatang!

Julia : Kaawa-awa naman!

Tenyong: Mahabaging Langit!

Musika

Tenyong: Ang dalawang braso’y gitgit na ang laman, naglabas ang mga buto sa mga tinalian, lipos na ang sugat ang buong katawan, nakahahambal! Ay! Ang anyo ni Amang! Ang lahat ng ito’y gawa ng pari na sa Pilipinas siyang naghahari lalang ni Lucifer sa demonyong lahi kay Satang malupit nakikiugali… Ah, kapag ka namatay oh, ama kong ibig, asahan mo po at igaganting pilit kahit na ano ang aking masapit, sa ulo ng prayle isa sa kikitil.

Salitain

Tenyong: Tatang, ikaw po’y ititihaya ko nang hindi mangalay…

Inggo : Huwag na … anak ko… hindi na maaari… luray luray na ang katawan… Tayo’y maghihiwalay na walang pagsala! Bunso ko, huwag mong pababayaan ang Inang mo!
Putin, ay Putin … Juana-Julia.. kayo na lamang ang inaasahan kong kakalinga sa kanila… Ang kaluluwa ko’y inihain ko na kay Bathala.

Tenyong: Diyos na may kapangyarihan! Ano’t inyong ipinagkaloob ang ganitong hirap? (Dito lamang ang pasok ng kantang “Ang dalawang braso’y…)

Musika No.2

Tenyong: Ang dalawang braso’y gitgit na ang laman, naglabas ang buto sa mga tinalian, lipos na ng sugat ang buong katawan, nakahahambal, ay! Ang anyo ni Amang! Ang lahat ng ito’y gawa ng pari na sa Pilipinas siyang naghahari, lalang ni Lucifer sa demonyong lahi kay satang malupit nakikiugali. Ah! Kapag namatay ka, oh, ama kong ibig, asahan mo po’t igaganting pilit kahit na ano ang aking masapit sa ulo ng prayle, isa sa kikitil.

Julia : Taya ng loob ko at binabanta-banta mga taong iya’y tadtarin man yata lahat ng niyang laman, buto samapung taba, di makababayadsa utang na madla.

(Mga Babae at Lalaki)

Di na kinahabagan kahit kaunti man, pariseos ay daig sa magpahirap.

Tenyong: Oo’t di matingnan puso ko’y sinusubhan sa ginawa kay Amang ng mga taong hunghan… ang awa’y nilimot sa kalupitan…

Lalaki’t Babae: Wari mukha nang bangkay…

Tenyong: Inang, masdan mo po… at masama ang lagay ni Tatang, Inang, tingnan mo’t naghihingalo… Tatang, Tatang…

Putin : Inggo ko… Inggo…

Tenyong: Patay na!

(Mangagsisihagulgol ng iyak)
Telong Maikli

VIII TAGPO
(Sila ring lahat, wala lamang si Kapitang Inggo, ang Alkalde, at mga bilanggong nangakagapos).
Salitain

Putin : Tenyong, hindi yata ako makasasapit sa atin! Julia, nangangatal ang buong katawan ko! Nagsisikip ang aking dibdib! Ang sakit ay taos hanggang likod! Ay, Tenyong, hindi ako makahinga! Ang puso ko’y parang pinipitpit sa palihang bakal!
(Si Putin ay mapapahandusay).

Tenyong: Langit na mataas!
(Papasok lahat)

IX TAGPO
(Tenyong at mga kasamang lalaki, mamaya’y si Julia).
Salitain

Tenyong: Mga kasama, magsikuha ng gulok, at ang may rebolber ay dalhi.

Isa : Ako’y mayroong iniingatan.

Isa pa : Ako ma’y mayroon din.

Tenyong: Tayo na sa estasyon ng Guiguinto.

Isa : Nalalaman mo bang sila’y mangasisilulan?

Tenyong: Oo, walang pagsala, narinig ko ang salitaan nila, at nabatid ko tuloy na sasabihin daw nila sa Heneral na tayo’y pagbabarilin na.

Isa : Mga tampalasan.

Isa pa : Walang patawad!
(Nang mangagsiayon, si Tenyong ay nakahuli sa paglakad, sa lalabas si Julia).

Julia : Tenyong, Tenyong!

Tenyong: Julia!

Julia : Diyata’t matitiis, na Ina’y lisanin mo sa kahapis-hapis na anyo? Di ba nalalaman mong sa kaniya’y walang ibang makaaaliw kundi ikaw, at sa may dandam niyang puso, ay walang lunas kundi ikaw na bugtong na anak? Bakit mo siya papanawan?

Tenyong: Julia, tunay ang sinabi mo; datapwa’t sa sarili mong loob, di ba si Inang ay kakalingain mong parang tunay na ina; alang-alang sa paglingap mo sa akin? Sa bagay, na ito, ano ang ipag-aalaala ko?

Julia : Oo nga, Tenyong, ngunit hindi kaila sa iyo na ang maililingap ng isang lalaking kamukha mo ay di maititingin ng isang babaing gaya ko. Tenyong, huwag kang umalis!

Tenyong: Julia, hindi maaari ang ako ay di pasa-parang; ako ay hinihintay ng mga kapatid, Julia, tumutugtog na ang oras ng pananawagan ng naaaping Ina, sa pinto ng nagpaubayang anak; ang Ina natin ay nangangailangan ng tunay nating pagdamay; dito sa dibdib ko’y tumitimo ang nakalulunos niyang himutok, ang nakapanlulumo niyang daing: “May anak ako,” anya, “ngayo’y kapanahunang ako’y ibangon na ninyo sa pagkalugami. Oras na, Julia ko, ng paglagot ng matibay na tanikalang mahigpit sa tatlong daang taong sinasangayad; hindi dapat tulutang… mga iaanak natin ay magising pa sa kalagim-lagim na kaalipin.

Julia : Wala akong maitututol, tanggapin na lamang ang huling tagubilin! (Huhubarin ang garantilyang may medalyita; tangnan at isusuot kay Tenyong ang garantilya.) Ang larawang ito’y aking isasabit sa tapat ng puso’y huwag iwawaglit at sa mga digma, kung siya’y masambit ipagtanggol ka sa mga panganib. Kung saka-sakaling irog ko’y masaktan, pahatid kang agad sa aking kandungan. Ang mga sugat mo’y aking huhugasan ng masaganang luhang sa mata’y nunukal.

Tenyong: Sa Diyos nananalig.

Julia : Puso ko’y dinadalaw ng malaking hapis.

Tenyong: Huwag mamanglaw. Huwag ipagdusa ang aking pagpanaw.

Julia : Mangungulimlim na ang sa matang ilaw.

Tenyong: Ang ulap Julia ko’y di mananatili. Darating na ibig, ang pagluluwalhati.

Julia : Tenyong na poon ko’y kahimanawari. Magliwayway uli’t dilim ay mapawi.

Tenyong: Huwag nang matakot, huwag nang mangamba. Ako’t tutupad lang ng aking panata sa pakikianib sa mga kasama. Aming tutubusin, naaliping Ina. Ikaw irog ko’y aking itatago sa loob ng dibdib, sa tabi ng puso. Nnag hindi malubos ang pagkasiphayo sa mga sakuna, ikaw’y kalaguyo. (Titigil) Yayao na ako!

Julia : Ako’y lilisanin? Balot yaring puso ng matinding lumbay, bumalik ka agad nang di ikamatay.

Tenyong: Juliang aking sinta!

Julia : Oh, Tenyong ng buhay!

Tenyong: (Anyong aalis) (Sarili) Kaawa-awa! (Tuluyang aalis).

Julia : (Biglang lilingon) Te…! Yumao na! (papasok)

X TAGPO
(Tugtuging nagpapakilala ng damdamin. Pagdating ng bahaging masaya ay maririnig ang sigawan sa loob. Mga prayle at mga kasama ni Tenyong at si Tenyong.)

Sa loob.

Mga lahi ni Lucifer! Magsisi na kayo’t oras na ninyo! Ikaw ang pumatay sa ama ko – Perdon! Walang utang-na-di pinagbabayaran! (Hagara at mapapatay ang mga prayle, isa ang mabibitin na sasama sa tren).

Telon
Wakas ng Unang Bahagi

Ikalawang Bahagi
I TAGPO
(Bahay ni Julia)
Julia at Juana
Salitain

Juana : Julia, igayak ang loob mo; ngayon ay paparito si Miguel at ang kanyang ama, sila’y pagpapakitaan nang mainam.

Julia : Kung pumarito po sila, ay di kausapin mo po!

Juana : Bakit ba ganyan ang sagot mo?

Julia : Wala po!

Juana : Hindi naman pangit, lipi ng mabubuting tao, bugtong na anak at nakaririwasa, ano pa ang hangarin mo?

Julia : Ako po, Inang ko, ay hindi naghahangad ng mga kabutihang tinuran mo, ang hinahangad ko po ay…

Juana : Ay ano? Duluhan mo, sabihin mo at nang matalastas ko.

Julia : Ang tanggapin pong mahinusay ng puso ko.

Juana : (Natatawa) Julia, ako’y natatawa lamang sa iyo, ikaw ay bata pa nga- anong pusu-pusoang sinasabi mo? Totoo nga’t noong unang dako, kapag may lalaking mangingibig, ay tinatanggap ng mga mata at itinutuloy sa puso, at kung ano ang kaniyang tibok ay siyang sinusunod datapwa’t gayo’y iba na, nagbago nang lahat ang lakad ng panahon, ngayo’y kung may lalaking nangingibig ay tinatanggap ng mga mata at itinutuloy dito (hihipuin ang noo) dito sa isip at di na sa puso; at kung ano ang pasya ng isip ay siyang paiiralin: ang puso sa panahong ito ay hindi na gumaganap ng maganda niyang katungkulan, siya’y nagpapahingalay na…

Julia : Nakasisindak, Inang ko, ang mga pangungusap mo!

Juana : Siyang tunay!

Julia : Ako po’y makasunod sa masamang kalakaran ng panahon, dito po ako makatatakwil sa tapat na udyok ng aking puso.

Juana : Julia, tila wari… may kinalulugdan ka nang iba.

Julia : Wala po!

Juana : Kung wala ay bakit ka sumusuway sa aking iniaalok? Nalaman mo na, ang kagalingan mong sarili ang aking ninananais. Ang wika ko baga, ay bukas-makalawa’y mag-aasawa ka rin lamang… ay kung mapasa-moro, ay mapasa-Kristiyano na!

Julia : Sarili) Moro yata si Tenyong!

II TAGPO
(Julia at Monica)
Salitain

Julia : Monicaaaaaaaaaa, Maonicaaaaaaaaaa.

Monica: (Sa loob) Pooo!

Julia : Halika (Lalabas si Monica)
Pumaroon ka kay Lukas, sabihin mong hinihintay ko siya; madali ka…

Monica: Opo (Papasok).

III TAGPO
(Julia, mamaya’y Miguel, Tadeo, Pari Teban, at Juana)
Musika

Dalit ni Julia

Oh, Tenyong niyaring dibdib,
Diyata’ ako’y natiis
Na hindi mo na sinilip
Sa ganitong pagkahapis.

Ay! Magdumali ka’t daluhan,
Tubusin sa kapanganiban,
Huwag mo akong bayaang
Mapasa ibang kandungan.

Halika, tenyong, halika,
Atbaka di na abutin
Si Julia’yhumihinga pa…
Papanaw, walang pagsala!

At kung patay na abutin
Itong iyong nalimutan
Ang bangkay ay dalhin na lamang
Sa malapit na libingan.

Huling samo, oh Tenyong,
Kung iyo nang maibaon
Sa malungkot na pantiyon,
Dalawain minsan man isang taon.

Salitain

P. Teban: (Pumalakpak)Mabuti ang dalit mo Julia…datapwa’t na pakalumbay lamang…

Julia : (gulat) Patawarin po ninyo at hindi ko nalalamang kayo’y nangagsirating… Kahiya-hiya po.

P. Teban: Hindi. hindi kahiya-hiya, mainam ang dalit mo. Ang Inang mo?

Julia : Nariyan po sa labas: tatawagin ko po. (Papasok).

P. Teban: Magandang bata si Julia, at mukhang lalabas na mabuting asawa… Marunong kang pumili, Miguel.

Tadeo : Ako, among, ang mabuting mamili, si Miguel po’y hindi maalam makiusap. (Lalabas si Juana).

Juana : Aba, narito pala ang among! Mano po, among!

P. Teban: Ah, Juana, ano ang buhay-buhay?

Juana : Mabuti po, among.

Tadeo : (Kay Miguel) Lapitan mo.

Miguel : Baka po ako murahin ah!

AANHIN NINO YAN

 AANHIN NINO YAN
  Vilas Manwat Salin ni Luwalhati Bautista

Si Nai phan ay isa sa mga sikat sa kapit-bahayan. Hindi dahil isa siyang mananayaw na ang paa’y singgaan ng saboy ng bituin; hindi rin dahil ginawa niyang bukod-tangi ang sarili sa larangan ng pulitika o panitikan. Marahil, ang kanyang talino sa pagsasangkap sa isang masarap na luto ng sinangag ang kanyang naging tuntungan sa kawalang-hanggan, pero kahit hindi naging katangi-tangi ang nalalaman niya sa pagluluto, magiging tanyag pa rin siya, dahil handa niyang pahintulutan ang kanyang mga parokayano sa walang limitasyong pangungutang.

Mahilig siyang mamigay ng matamis sa mga bata nang hindi naghahanap ng pera. Mangyari pang dahilan ito lagi para magreklamo ang kanyang asawa, pero sasabihin niya: “Ang dalawampung satang na halaga ng matamis ay hindi ipinahihirap ng pamilya.” Pag ang Than Khun, isang mataas na opisyal na naninirahan sa may iskinita, ay gusto ng isang masarap na kape, sasabihin nito sa anak: “Magdala ka rito ng kape mula sa tindahan ni Nai Phan. Marami siyang maglagay ng gatas; iisipin mong nag-aalaga siya ng baka para doon!”
Sa iskinita ding iyon naninirahan ang isang lasenggo na hilig nang lumitaw sa kaninan at tumula ng mga berso mula sa kwento nina Khun Chang at Khun Phaen; makikinig si Nai Phan nang taimtim ang atensyon. Matapos magpalabas, hihingi ang lasenggo ng isang libreng baso ng tsaang may yelo, na malugod namang ipagkakaloob ni Nai Phan, na may kasama pang doughnut para kumpleto.

Pag maulan, sasabihin ni Nai Phan sa mga estudyanteng dalagita: “Mga binibini, nahihirapan na kayo sa pagtatampisaw sa putik. Mula ngayon, pwede nyong bitbitin ang inyong mga sapatos hanggang sa aking tindahan at doon n’yo isuot.” Lagi niyang binibigyan ang mga ito ng malinis na tubig para panghugas ng paa.
Pero eksakatong gabi-gabi, isasara niya ang kanyang tindahan. Sasabihin sa kanya ng mga kaibigan niya, “Dapat kang magbukas at magsilbi sa gabi; dyan maganda ang negosyo, mas madali kang yayaman.”
Masayang tatawa si Nai Phan at sasabihin, “Mas masarap matulog kaysa magpayaman nang mabilis.”
Ang sagot na ito’y may pinupukaw sa puso ng mga nakakarinig na mas mayaman kaysa kay Nai Phan, pero hindi pa rin kuntento sa yaman nila, bagkus ay nagkukumagkag pang magpundar ng mas malaki pang kayamanan.

Ang mga taong naninirahan sa iskinita, pauwi sa kani-kanilang bahay sa kalaliman ng gabi pagkaraan ng maghapong ginugol sa paghahabol ng pera, ay makatatanaw kay Nai Phan na nakahilig sa kanyang maliit na silyang de-tiklop, kuntentong nakikipag-usap sa asawa. At maiisip nila sa kanilang sarili, “Ang saya-saya nilang tingnan, malayo sa paghahangad sa kayamanan. Mas mabuti pa sila sa amin.”

Isang gabi ay nagpunta sa sinehan ang kanyang asawa, at nag-iisia si Nai Phan. Papadilim na at naghahanda na siyang magsara ng tindahan nang mabilis na pumasok ang isang kabataang lalaki.
“Anong maipaglilingkod ko sa inyo sir?” Tanong ni Nai Phan. Sa halip na sumagot, naglabas ng baril ang estranghero at itinapat iyon sa puso niya. Hindi ito maunawaan ni Nai Phan, pero nadaman niya na hindi maganda ang mga pangyayari.

“Iabot mo ang salapi mo,” marahas na sabi ng kabataang lalaki. “Lahat! Kung anuman meron ka. Mukhang patayan ang uso sa mga panahong ito; nagbabarilan ang mga tao sa iba’t ibang dako araw-araw. Pag pinatay kita, wala nang ispesyal doon, at pag napatay mo ako, hindi na rin masyadong nakapagtataka, kaya bilisan mo na. pag hindi ko nakuha ang salapi, patitikimin kita ng mga bala.”

Hindi nanginig si Nai Phan. Kalmante siyang nakatayo at sinabi niya sa tinig na parang nakikipag-usap lang; “Ibibigay ko sa’yo ang pera, pero hindi dahil sa baril mo, ibibigay ko sa’yo dahil mukhang kailangang-kailangan mo iyon. Baka nakasalalay dito’y buhay at kamatayan. Eto. . . lahat ng perang meron ako ay nandito. Kunin mo na at umuwi ka na agad. Sinong nakakaalam? Siguro’y may sakit ang iyong ina; baka nga maraming taong naghihintay doon, iniisip kung mag-uuwi ka ng pera o hindi. Maraming buhay ang maaaring mnakadepende sa pag-uwi mo na may dalang pera. Hindi ko sasabihin sa mga pulis. Mga siyam na raan ang cash dito; higit pa. . .kunin mo na.”

Inilagay niya ang salapi sa mesa pero ang binatang holdaper ay tila hindi nagkalakas-loob na hipuin iyon.
“Bakit hindi mo kunin?” tanong ni Nai Phan. “Tingnan mo, bakit kita lolokohin? Alam kong hirap na hirap ka. Hirap tayong lahat sa mga araw na ito. Hindi ako naniniwalang masama kang tao. Sino ang gustong maging magnanakaw kung maiiwasan niya? Maaari ding nagkaatake ang iyong ama at kailangan mo siyang alagaan. Dalhin mo sa kanya ang perang ito, pero huwag mong ubusin lahat sa gamot. Maniwalak ka sa akin, magagamot ng doktor ang katawan, pero kailangan ng tao ang lunas pati sa kanyang isip at kaluluwa. Bumili ka ng ilang mababangong bulaklak, isang kuwintas ng bulaklak para sa iyong ina na mailalagay niya sa harap ng sagradong imahen sa bahay. Iyon ang ginagawa ko gabi-gabi. Hindi mo kailangang malaman kung ano ang kabanalan o kung saan ito nananahan. Sapat na ang makadama ka ng kapayapaan sa iyong sarili. Iyon ang langit. Ay!—at itabi mo ang iyong baril—giginhawa agad ang pakiramdam mo. Ang isang lalaking may dalang baril ay hindi nakakakilala nbg kapayapaan, ang puso niya’y naghihirap sa takot at pag-aalinlangan, at sa amoy ng panganib. Hindi tayo liligaya habang ang ating mga kamay ay nagsisikip sa mga sandata.”
Inilagay ng kabataang lalaki ang baril sa kanyang bulsa, tulad ng isang masunuring bata. Itinaas niya ang mga kamay sa pagpupugay sa wai kay Nai Phan, na kilala sa kanyang sinangag at kape at pagbubukas-palad.

“Dapat na barilin ko ang aking sarili imbis na barilin ka,” sabi ng kabataang lalaki.

“Huwag kang magsalita na parang baliw,” sabi ng tagapamahala ng tindahan, habang inaabot ang pera sa binata. “Ito na lahat iyon. Dalhin mo at iyo nang lahat. Hindi ito pagbibigay na ginawa sa galit. Alam ko na puno ang mga bilangguan, pero hindi ng mga kriminal. Isa kang lalaking tulad ko, tulad ng ibang lalaki; kahit sinong lalaki, kahit isang ministro, ay ganyan din ang gagawin ko kung desperado.”
Naupo ang kabataang holdaper. “Hindi pa kita nakita kailanman, at hindi pa ako nakakita kailanman ng gaya mo kung magsalita. Hindi ko kukunin ang pera mo, pero itinabi ko na ang aking baril. Ngayo’y uuwi na ako sa aking ina na gaya ng sabi mo,” umubo siya ng ilang ulit bago nagpatuloy. “Masama akong anak. Lahat ng perang ibinigay sa akin ng aking ina’y inubos ko sa karera ng kabayo; yong kakaunting natira’y inubos ko sa pag-iinom.”

“Lahat ng tao’y nagkakamali. Ano ba ang buhay kundi magkahalong eksperimento, pagkakamali’t mga kabiguan?” sabi ni Nai Phan.

“Hindi, malakas ang katawan ko, alam mo,” pagpapatuloy ngkabataang lalaki. “Narinig mo ba ang ubo ko? Natatakot ako na mayroon na akong T.B. iyon ang dapat sa akin, sa palagay ko, dahil meron akong mga ginawang masasama—dapat talagang mamatay na ako agad-agad. Hindi ako dapat mabuhay, pasanin lang ako sa mundo. Salamat, at paalam.”

“Hindi mo kailangang umalis agad. Dito ka muna sandali at mag-usap tayo. Gusto kitang makilala. Saan ka nakatira? Ano ang mga hilig mo? Ibig kong sabihin, ano ang mga pinaniniwalaan mo?”

Walang pag-asang umiling ang kabataang lalaki. “Hindi ko alam kung saan ako papunta ngayon. Saan ako maaaring pumunta? Ano ang mga pinaniniwalaan ko? Hindi ko alam. Mukhang walag anupaman sa mundong ito na karapat-dapat na paniwalaan. Naging isang miserableng nilikha na ako mula nang araw na ako’y ipinanganak; hindi nakapagtataka na hindi ko gusto ang aking mga kapwa-tao. Minsan, ang tingin ko’y pananagutan ng lahat ang mga kasamaan ko. Ayokong makisalamuha sa mga tao. Hindi ako nagtitiwala sa kahit kanino. Kinasusuklaman ko ang paraan ng pakikipag-usap ng tao sa isa’t isa, kung paano nila gugulin ang kanilang buhay, kung paano nila mahalin at purihin ang isa’t isa, kung paano sila tumawa at ngumiti.”
Tumango nang may pagkaunawa si Nai Phan. “Lahat ng tao’y ganon ang pakiramdam kung minsan.”
“Kaya mo ba akong paniwalaan?”. “Hindi ako interesado sa kahit ano. Sawang-sawa na ako sa lahat. Ang buong mundo ay parang hungkag. Walang kahulugan, walang anupaman na mapangangapitan o maigagalang ng tao. Kung talagang gusto kong magtrabaho, sa palagay ko ay maaari akong humanap ng gawain. Pero nasusuklam akong makita ang sangkatauhan, ayokong tumanggap ng kahit na anong pabor mula sa kanila. Mananatili ako nang isang linggo sa isang trabaho, dalawang linggo, sa isa pa—hindi ako nagtatagal kahit saan.”

“Nagbabasa ka ba ng libro?”

“Dati. Pero umayaw na ako. Ni hindi na ako nagbabasa ng dyaryo ngayon. Bakit pa? alam na alam ko kung anong laman nila. Wala kundi barilan, nakawan, patayan! Binabago nila ang mga lugar at mga pangalan, pero ganun at ganon din ang mga istorya.”

Hinimas ng kabataang lalaki ang kanyang baba at masusing naningkit ang mga mata kay Nai Phan. “Suwerte mo na hindi ka nagpakita ng anumang takot o galit nang pagbantaan kita ng baril, tiyak na papatayin kita. Ang daigdig na ito’y punung-puno ng mga lalaki na gustong magpakita ng galit, mga lalaking marurumi ang isip, na laging bumubulalas na nabubulok na raw ang sibilisasyon at moralidad. Hindi ako naniniwala na dahil lang daan-daan o libo-libo ang napasama, ganun na rin ang dapat gawin ng lahat ng tao. Alam ko na ngayon na hindi ako naparito dahil sa pera kundi para patunayan sa sarili ko na tama ang aking paniniwala. Naiisip ko palagi kahit pa nawawalan na ng pag-asa ang mundo at lumulubog na sa kalaliman, pinarumi at dinungisan ng kasalanan ng tao, may natitira pa rin kahit isang tao na hindi tao dahil lang ganun ang itsura niya, kundi isang tunay na taong nilalang. Alam niya kung paaanong magmahal ng iba, kung paano mapagwawagian ang paggalang ng ibang tao. Pero hindi ko ganap na pinanaligan iyon dahil wala pa akong nakitang ganun. Sa loob ng maraming taon ay iniisip ko: “Sana’y makakita ako ng isang tao na hindi pa naging buktot kasabay ng kabuktutan ng mundo, para mapaniwalaan ko na may natitira pang kabutihan, para magkaroon ako ng lakas para patuloy na mabuhay. Ngayo’y nakatagpo ako ng isang taong ganun. Ibinigay mo sa akin ang lahat ng hinahangad ko. Wala ka nang dapat ibigay. Uuwi na ako ngayon. Mangyari pa, sa isip ko, hindi ko na kamumuhian uli ang daigdig. Natuklasan ko sa wakas ang uri ng buhay na gusto kong tuntunin.”
Mukhang naging mas masigla na ang estranghero. Tumindig na siya para umalis at pagkaraan, naalala niya, inilabas niya ang baril. Iniabot niya iyon sa may-ari ng tindahan.

“Sana’y kunin mo ito. Hindi ko na ito kailangan. Iyan ang tatak ng mababangis. Sinumang lalaki na magdadala ng baril ay walang awa o paggalang sa iba, wala siyang iginagalang kundi ang baril. Ang mga bandido’y maaaring mabuhay sa kanilang baril, pero ang buhay nila’y laging gagambalain ng katotohanan na ang mga kaaway nila’y maaaring sumalakay sa kanila nang wala silang kahandaan. Wala silang panahon para panoorin ang paglubog ng araw o para umawit. Pag ang tao’y walang panahon para umawit, mabuti pang maging kuliglig na lang o ibong mynah.”

Ngumiti nang masaya ang holdaper, at kumakaway ng pamamaalam, idinugtong nito: “Babalik ako para makita ka uli, pero huwag mo nang ipakita uli sa akin ang aking baril. ‘Yan ang kaaway ng isang malinis na buhay. Paalam.”

Nawala sa dilim ang estranghero. Yumuko si Nai Phan, ang may-ari ng tindahan, para bisitahin ang pinakabago niyang pag-aari. Iniisip niya na bukas ay ipagbibili niya iyon. Kailangang-kailangan niya ng bagong pansala ng kape.

Wednesday, August 27, 2014

KAY ESTELLA ZEEHANDELAAR

KAY ESTELLA ZEEHANDELAAR
Salin ni Ruth Elynia S. Mabanglo Mula sa Mga Liham ng Isang Prinsesang Javanese

Japara, Mayo 25, 1899

Ibig na ibig kong makilala ng isang “babaeng moderno” iyong babaeng malaya, nakapagmamalaki’t makaakit ng aking loob! Iyong masaya, may tiwala sa sarili, masigla’t maagap na hinaharap ang buhay, puno ng tuwa at sigasig, pinagsisikapan hindi lamang ang sariling kapakanan at kundi maging ang kabutihan ng buong sangkatauhan.
Buong kasabikan kong sinasalubong ang pagdating ng bagong panahon; totoong sa puso’t isip ko’y hindi ako nabibilang sa daigdig ng mga Indian, kundi sa piling ng aking mga puting kapatid na babae na tumatanaw sa malayong kanluran.
Kung pahihintulutan lamang ng mga batas ng aking bayan, wala akong ibig gawin kundi ang ipagkaloob ang sarili sa mga nagtratrabaho;t nagsisikap na bagong kababaihan ng Europe; subalit nakatali ako sa mga lumang tradisyong hindi maaaring suwayin. Balang araw maaaring lumuwag ang tali at kami’y pawalan, ngunit lubhang malayo pa ang panahong iyon. Alam ko, maaaring dumating iyon, ngunit baka pagkatapos pa ng tatlo o apat na hebenerasyon. Alam mo ba kung paano mahalin ang bago at batang panahong ito ng buong puso’t kaluluwa kahit nakatali sa lahat ng batas, kaugalian at kumbensyon ng sariling bayan. Tuwirang sumasalungat sa kaunlarang hinahangad ko para sa aking mga kababayan ang lahat ng mga institusyon naming. Wala akong iniisip gabi’t araw kindi ang makagawa ng paraang malabanan ang mga lumang tradisyon naming. Alam kong para sa aking sarili’y magagawa king iwasan o putulin ang mga ito, kaya lamang ay may mga buklod na matibay pa sa alinmang lumanag tradisyon na pumipigil sa akin; at ito ang pagmamahal na inuukol ko sa mga pinagkakautangan ko ng buhay, mga taong nararapat kong pasalamatan sa lahat ng bagay. May karapatan ba akong was akin ang puso ng mga taong walang naibigay sa akin kundi pagmamahal at kabutihan, mga taong nag-alaga sa akin ng buong pagsuyo?
Ngunit hindi lamang tinig nito ang umaabot sa akin; ang malayo, marikit at bagong-silang na Europe ay nagtutulak sa aking maghangad ng pagbabago sa kasalukuyang kalagayan. Kahit noong musmos pa ako’y may pang-akit na sa aking pandinig ang salitang “emansipasyon”; may isang naiibang kabuluhan ito, isang kahulugang hindi maaabot ng aking pang-unawa. Gumigising ito para sa hangarin ang pagsasarili at kalayaan- isang paghahangad na makatayong mag-isa. Ang puso ko’y sinusugatan ng mga kondisyong nakapaligid sa akin at sa iba, buong lungkot na pinag-aalab ang mithiin kong magising ang aking bayan.
Patuloy na lumapit ang mga tinig na galing sa malayong lupain, umaabot sa akin, at sa kasiyahan ng ilang nagmamahal sa akin at sa kalungkutan ng iba, dala ntio ang binhing sumupling sa aking puso, nag-ugat, sukmibol hanggang sa lumakas at sumigla.
Ngayo’y kailangang sabihin ko ang ilang bagay ukol sa sarili upang magkakilala tayo.
Panganay ako sa tatlong babaing anak ng Regent ng Japara. Ako’y may anim na kapatid na lalki at babae. Ang lolo kong si Pangeran Ario Tjondronegoro ng Demak ay isang kilalang lider ng kilusang progresibo noong kapanahunan niya. Siya rin ang kaunaunahang regent ng gitnang Java na nagbukas ng pinto para sa mga panauhin mula sa ibayong dagat-ang sibilisasyong Kanluran. Lahat ng mga anak niya’y may edukasyong European, at halos lahat ng iyon (na ang ilan ay patay na ngayon) ay umiibig o umibig sa kanlurang minana sa kanilang ama; at nagdulot naman ito sa mga anak nila ng uri ng pagpapalaking nagisnan nila mismo. Karamihan sa mga pinsan ko’t nakatatandang kapatid na lalaki ay nag-aral sa Hoogere-Burger School, sng pinakamataas na institusyon ng karunungang matatagpuan ditto sa India. Ang bunso sa tatlong nakatatandang kapatid kong lalaki’y tatlong taon na ngayong nag-aaral sa Netherlands at naglilingkod din naman doon bilang sundalo ang dalawa pa. Samantala, kaming mga babae’y bahagya nang magkaroon ng pagkakataong makapag-aral dahil na rin sa kahigpitan n gaming lumang tradisyon at kumbensyon. Labag sa aming kaugaliang pag-aralin ang mga babae, lalo’t kailangang lumabas ng bahay araw-araw para pumasok sa eskwela. Ipinagbabawal n gaming kaugalian na lumabas man lamang ng bahay ang babae. Hindi kami pinapayagang pumunta saan man, liban lamang kung sa paaralan, at ang tanginglugar na pagtuturong maipagmamalaki ng syudad naming na bukas sa mga babae ay ang libreng grammar school ng mga European.
Nang tumuntong ako ng ikalabindalawang taonng gulang, ako ay itinali sa bahay-kinailangang “ikahon” ako. Ikinulong ako at pinagbawalang makipag-uganayan sa mundong nasa labas ng bahay, ang mundong hindi ko na makikita marahil liban kung kasama ko na ang mapapangasawang estranghero, isang di-kilalang lalaking pinili ng mga magulang ko, ang lalaking ipinagkasundo sa akin nang di ko namamalayan. Noong banding huli, nalaman kong tinangka ng mga kaibigan kong European na mabago ang pasyang ito ng mga magulang ko para sa akin, isang musmos pa na nagmamahal sa buhay, subalit wala silang nagawa. Hindi nahikayat ang mga magulang ko; nakulong ako nang tuluyan. Apat na mahahabang taon ang tinagal ko sa pagitan ng makapal na pader, at hindi ko nasilayan minsan man ang mundong nasa labas.
Hindi ko alam kung paano ko pinalipas ang mga oras. Ang tanging kaligayahang naiwan sa aki’y pagbabasa ng mga librong Dutch at ang pakikipagsulatan sa mga kaibigang Dutch na hindi naman ipinagbawal. Ito-ito lamang ang nagiisang liwanag na nagpakulay sa hungkag at kainip-inip na panahong iyon, na kung inalis pa sa akin ay lalo nang nagging kaawa-awa ang kalagayan ko. Lalo sigurong nawalan ng kabuluhan ang buhay ko’t kaluluwa. Subalit dumating ang kaibigan ko’t tagapagligtas-ang Diwa ng panahon; umalingawngaw sa lahat ng dako ang mga yabag niya. Nayanig sa paglapit niya ang palalo’t matatag na balangkas ng mga lumang tradisyon. Nabuksan ang mga pintong mahigpit na nakasara, kusa ang iba, ang iba nama’y pilit at bahagya lamang ngunit bumukas pa rin at pinapasok ang mga di-inanyayahang panauhin.
Sa wakes, nakita kong muli ang mundo sa labas nang ako’y maglabing-anim na taon. Salamat sa Diyos! Malalabasan ko ang aking kulungan nang Malaya at hindi nakatali sa isang kung sinong bridegroom. At mabilis pang sumunod ang mga pangyayari nagpabalik sa aming mga babae ng mga nawala naming kalayaan.
Nang sumunod na taon, sa oras ng pagtatalaga sa poder ng bata pang Prinsesa (bilang Reyna Wilhemina ng Netherland), “opisyal” na inihandog sa amin ng mga magulang naming an gaming kalayaan. Sa kauna-unahang pagkakataon sa aming buhay, pinyagan kaming umalis sa bayan naming at pumunta sa siyudad na pinadarausan ng pagdiriwang para sa okasyong iyon. Anong dakila tagumpay iyon! Ang maipakita ng mga kabataang babaeng tulang naming ang sarili sa labas, na imposibleng mangyari noon. Nasindak ang “mundo” nagging usap-usapan ang “krimeng” iyon na dito’y wala pang nakagagawa. Nagsaya an gaming mga kaibigang European, at para naman sa amin, walang reynang yayaman pa sa amin. Subalit hindi pa ako nasisiyahan. LAgi, ibig kong makarating sa malayo, mas malayo. Wala akong hangaring makapamista, o malibang. Hindi iyon ang dahilan ng paghahangad kong magkaroon ng kalayaan. Ibig kong malaya upang makatayo ng mag-isa, mag-aral, hindia para mapailalim sa sinuman, at higit sa lahat, hindi para pag-asawahin nang sapilitan.
Ngunit dapat tayong mag-asawa, dapat, dapat. Ang hindi pag-aasawa ang pinakamalaking kasalanang magagawa ng isang babaeng Muslim. Ito ang pinakamalaking maipagkakaloob ng isang katutubong babae sa kanyang pamilya.
At ang pag-aasawa para sa amin-mababaw pa ngang ekspresyon ang sabihing miserable. At paano nga ba hindi magkakaganoon, kung tila ginawa lamang para sa lalaki ang mga batas, kung pabor para sa lalaki at hindi para sa babae ang batas at kumbensyon; kung ang lahat ng kaluwaga’y para sa kanya lang?

Sunday, August 17, 2014

tiyo simon

TIYO SIMON
Dula—ni N.P.S. Toribio
Pilipinas

Mga Tauhan:
Tiyo Simon—isang taong nasa katanghalian ang  gulang, may kapansanan ang isang paa at may mga paniniwala na hindi             maunawaan ng kanyang hipag na relihiyosa.
Ina—ina ni Boy
Boy—pamangkin ni Tiyo Simon. Pipituhing taong gulang.
Oras—umaga, halos hindi pa sumusikat ang araw.
Tagpo: Sa loob ng silid ni Boy. Makikita ang isang tokador na kinapapatungan ng mga langis at pomada sa buhok, toniko, suklay, at iba pang gamit sa pag-aayos. Sa itaas ng tokador, nakadikit sa dingding ang isang malaking larawan ng birheng nakalabas ang puso at may tarak ng isang punyal. Sa tabi ng nakabukas na bintana sa gawing kanan ay ang katreng higaan ng bata. Sa kabuuan, ang silid ay larawan ng kariwasaan.
Sa pagtaas ng tabing, maikikita si Boy na binibihisan  ng kanyang ina. Nakabakas sa mukha ng bata ang pagkainip samanatalang sinusuklay ang kanyang buhok. (Biglang uunat ang babae, saglit na sisipatin ang ayos ng anak, saka ngingiti.)
INA: O, hayan, di nagmukha kang tao. Siya, diyan ka muna at ako naman ang magbibihis.
BOY: (Dadabog) sabi ko, ayaw kong magsimba, e!
INA: Ayaw mong magsimba! Hindi maa...pagagalitin mo na naman ako, e! At anong gagawin mo rito sa bahay ngayong    umagang ito na pangiling-araw?
BOY: Maiiwan po ako rito sa bahay,  kasama ko si ...Tiyo Simon...
INA: (Mapapamulagat) A, ang ateistang iyon. Ang...patawarin ako ng Diyos.
BOY: Basta. Maiiwan po ako... (Ipapadyak ang paa) makikipagkuwentuhan na lamang ako kay Tiyo Simon...
INA: (Sa malakas na tinig) makikipagkuwentuhan ka? At anong kuwento? Tungkol sa kalapastanganan sa banal na pangalan ng Panginoon?
BOY: Hindi, Mama. Maganda ang ikinukuwento ni Tiyo  Simon sa akin...
INA: A, husto ka na...husto na bago ako magalit nang totohanan at humarap sa Panginoon ngayong araw na ito nang may dumi sa kalooban.
BOY: Pero...
INA: Husto na sabi , e!

(Matitigil sa pagsagot si Boy. Makaririnig sila ng mga yabag na hindi pantay, palapit sa nakapinid na pinto sa silid, saglit na titigil ang yabag; pagkuwa’y makaririnig sila ng mahinang pagkatok sa pinto.)
INA: (Paungol) uh... sino ‘yan?
TIYO SIMON: (Marahan ang tinig) Ako, hipag, naulinigan kong...

(Padabog na tutunguhin ng babae ang pinto at bubuksan iyon. Mahahantad ang kaanyuan ni Tiyo Simon, nakangiti ito.)

TIYO SIMON: Maaari bang pumasok? Naulinigan kong tila may itinututol si Boy...
BOY: (Lalapit) Ayaw kong magsimba, Tiyo Simon. Maiiwan ako sa iyo rito. Hindi ako sasama kay Mama.
INA: (Paismid) Iyan ang itinututol ng pamangkin mo, kuya. Hindi nga raw sasama sa simbahan...

(Maiiling si Tiyo Simon, ngingiti at paika-ikang papasok sa loob, hahawakan ang balikat ni Boy.)

TIYO  SIMON: Kailangan ka nga namang sumama sa simbahan, Boy. Kung gusto mo...kung gusto mong isama ako ay maghintay kayo at ako’y magbibihis...magsisimba tayo.

(Mapapatingin nang maluwat si Boy sa kanyang Tiyo Simon, ngunit hindi makakibo. Ang ina ay namangha rin. Tatalikod
na si Tiyo Simon at lalabas. Maiiwang natitigilan ang dalawa, pagkuwa’y babaling ang ina kay Boy.)

INA: Nakapagtataka! Ano kaya ang nakain ng amain mong iyon at naisipang sumama ngayon sa atin? Ngayon ko lamang siya makikitang lalapit sa Diyos...
BOY: Kung sasama po si Tiyo Simon , sasama rin ako...
INA: Hayun! Kaya lamang sasama ay kung sasama ang iyong amain. At kung hindi ay hindi ka rin sasama. Pero mabuti rin iyon...mabuti, sapagkat hindi lamang ikaw ang maaakay ko sa wastong landas kundi ang kapatid na iyon ng iyong ama na isa ring...
(Mapapayuko ang babae, papahirin ang luhang sumungaw sa mga mata. Magmamalas lamang siBoy.)
INA: (Mahina at waring sa sarili lamang). namatay siyang hindi lamang nakapagpa-Hesus. Kasi’y matigas ang kalooban niya sa pagtalikod sa simbahan. Pareho silang magkapatid sila ng iyong amain. Sana’y magbalik-loob siya sa Diyos upang makatulong siya sa pagliligtas sa kaluluwa ng kanyang kapatid na sumakabilang buhay na...
(Mananatiling nagmamasid lamang si Boy. Pagkuwa’y nakarinig sila ng hindi pantay na yabag, at ilang sandali pa ay sumungaw na ang mukha ni Tiyo Simon sa pinto. Biglang papahirin ng babae ang kanyang mukha, pasasayahin ito, at saka tutunguhin ang pinto.)
INA: Siyanga pala. Magbibihis din ako. Nakalimutan ko, kasi’y...diyan muna kayo ni Boy, kuya...
(Lalabas ang babae at si Tiyo Simon ay papasok sa loob ng silid. Agad tutunguhin ang isang sopang naroroon, pabuntung-hiningang uupo. Agad, naman siyang lalapitan ni Boy at ang bata ay titindig sa harapan niya.)
TIYO SIMON: (Maghihikab) iba na ang tumatandang talaga. Madaling mangawit, mahina ang katawan at...(biglang matitigil nang mapansing ang tinitingnan ng bata ay ang kanyang may kapansanang paa. Matatawa.)
BOY: Bakit napilay po kayo, Tiyo Simon? Totoo ba’ng sabi ni Mama na iya’y parusa ng Diyos?...
TIYO SIMON: (Matatawa) sinabi ba ng Mama mo iyon?
BOY: Oo raw e, hindi kayo nagsisimba. Hindi raw kasi kayo naniniwala sa Diyos. Hindi raw kasi...
TIYO SIMON: (Mapapabuntong-hininga) hindi totoo, Boy, na hindi ako naniniwala sa Diyos...
BOY: Pero ‘yon ang sabi ni Mama, Tiyo Simon. Hindi raw kayo nangingilin kung araw ng pangilin. Bakit hindi kayo nangingilin, Tiyo Simon?
TIYO SIMON: May mga bagay, Boy na hindi maipaliwanag. May mga bagay na hindi maipaaalam sa iba sa pamamagitan ng salita. Ang mga bagay na ito ay malalaman lamang sa sariling karanasan sa sariling pagkamulat...ngunit kung anuman itong mga bagay na ito, Boy, ay isa ang tiyak: malaki ang pananalig ko kay Bathala.
BOY: Kaya ka sasama sa amin ngayon, Tiyo Simon?...
TIYO SIMON: Oo, Boy. Sa akin, ang simbahan ay hindi masamang bagay. Kaya huwag mong tatanggihan ang pagsama sa iyo ng iyong Mama. Hindi makabubuti sa iyo ang pagtanggi, ang pagkawala ng pananalig. Nangyari na sa akin iyon at hindi ako naging maligaya.

(Titigil si Tiyo Simon sa pagsasalita na waring biglang palulungkutin ng mga alaala. Buhat sa malayo ay biglang aabot ang alingawngaw ng tinutugtog na kamapana. Magtatagal nang ilang sandali pagkuwa’y titigil ang pagtugtog ng batingaw. Magbubuntung hininga si Tiyo Simon, titingnan ang kanyang may kapansanang paa, tatawa nang mahina at saka titingin kay Boy).

TIYO SIMON: Dahil sa kapansanang ito ng aking paa, Boy, natutuhan kong tumalikod, hindi lamang sa simbahan, kundi sa Diyos. Nabasa ko ang The Human Bondage ni Maugham at ako’y nanalig sa pilosopiyang pinanaligan ng kanyang tauhan doon, ngunit hindi ako naging maligaya, Boy, hindi ako nakaramdam ng kasiyahan.
BOY: Ano ang nangyari, Tiyo Simon?...
TIYO SIMON: Lalo akong naging bugnutin, magagalitin. Dahil doon, walang natuwang tao sa akin, nawalan ako ng mga kaibigan, hanggang sa mapag-isa ako...hanggang isang araw ay nangyari sa akin ang isang sakunang nagpamulat sa aking paningin.
BOY: Ano iyon, Tiyo Simon...?

(Uunat sa pagkakaupo si Tiyo Simon at dudukot sa kanyang lukbutan. Maglalabas ng isang bagay na makikilala na isang sirang manikang maliit.)

TIYO SIMON: ito ay isang manika ng batang nasagasaan ng trak. Patawid siya noon at sa kanyang pagtakbo ay nailaglag niya ito. Binalikan niya ito ngunit siyang pagdaan ng trak at siya’y nasagasaaan...nasagasaan siya. Nadurog ang kanyang binti, namatay ang bata...namatay nakita ko, ng dalawang mata, ako noo’y naglalakad sa malapit...at aking nilapitan, ako ang unang lumapit kaya nakuha ko ang manikang ito at noo’y tangang mahigpit ng namatay na bata, na waring ayaw bitiwan kahit sa kamatayan...
BOY: (Nakamulagat) Ano pa’ng nangyari Tiyo Simon?
TIYO SIMON: Kinuha ko nga ang manika, Boy. At noon naganap ang pagbabago sa aking sarili...sapagkat nang yumuko ako upang damputin ang manika ay nakita ko ang isang tahimik at nagtitiwalang ngiti sa bibig ng patay na bata sa kabila ng pagkadurog ng Kanyang buto...ngiting tila ba nananalig na siya ay walang kamatayan...

(Magbubuntunghinga si Tiyo Simon samantalang patuloy na nakikinig lamang si Boy. Muling maririnig ang batingaw sa malayo. Higit na malakas at madalas, mananatili nang higit na mahabang sandali sa pagtunog, pagkuwa’y titigil. Muling magbubuntunghinga si Tiyo Simon.)

TIYO SIMON: Mula noon, ako’y nag-isip na, Boy. Hindi ko na makalimutan ang pangyayaring iyon. Inuwi ko ang manika at iningatan, hindi inihiwalay sa aking katawan, bilang tagapagpaalalang lagi sa akin ng matibay at mataos na pananalig ng isang batang hanggang sa oras ng kamatayan ay nakangiti pa. At aking tinandaan sa isip: kailangan ng isang tao ang pananalig kay Bathala, kung may panimbulanan siya sa mga sandali ng kalungkutan, ng sakuna, ng mga kasawian...upang may makapitan siya kung siya’y iginugupo na ng mga hinanakit sa buhay.
(Mahabang katahimikan ang maghahari. Pagkuwa’y maririnig ang matuling yabag na papalapit. Sumungaw ang mukha ng ina ni Boy sa pinto.)
INA: Tayo na, baka wala na tayong datnang misa. Hinahanap ko pa kasi ang aking dasalan kaya ako natagalan. Tayo na, Boy...Kuya
BOY: (Paluksu-luksong tutunguhin ang pinto) Tayo na Mama, kanina pa nga po tugtog nang tugtog ang kampana, e. Tayo na, Tiyo Simon, baka tayo mahuli, tayo na!

(Muling maririnig ang tugtog ng kmapana sa malayo. Nagmamadaling lalabas si Boy sa pinto. Lalong magiging madalas ang pagtugtog ng kampana lalong magiging malakas, habang bumababa ang tabing).

KAPAG NAIISAHAN AKO NG AKING DIYOS

KAPAG NAIISAHAN AKO NG AKING DIYOS
Ni Raquel E. Sison-Buban

Madalas kong kontrolin ang mga bagay-bagay at pangyayari sa buhay ko dahil ayokong-ayokong pumapalpak. Kasi takot akong mawala at mawalan. Takot akong mawala sa sirkulasyon ng dati nang nakagawiang ritmo ng buhay. Takot din akong mawalan nang ini-enjoy na pribilehiyo at istatus sa buhay. Kaya gusto kong kontrolado ko ang lahat ng bagay sa aking buhay.
Madalas ko ring makita ang sarili kong walang kontrol—lalo na kapag ginagawa ko ang isang bagay na gustong-gusto kong gawin, o mga bagay na gustong-gusto kong mapasaakin; maging materyal man o hindi. Bunga ng mga ito, madalas mangyari sa akin ang mga labis kong kinatatakutan: ang pumalpak, ang mawala, at mawalan.
Madalas matuklasan na ang may pakana at may kagagawan ng lahat ng ito ay ang aking Diyos. Sa likod ng lahat ng mga pangyayaring ito sa aking buhay ang aking Diyos ang siyang manggugulo sa akin sukat masira ang lahat ng plano ko sa buhay. Sa tuwing, ako’y madidismaya sa kapalpakan ng isang plano, madalas kong maisip na, “Naisahan na naman ako ng aking Diyos!”
Madalas hinahanap ko sa aking sarili kung bakit sa kabila ng katotohanang ito, hindi pa rin ako matuto-tuto. Plano pa rin nang plano kahit alam ko namang malaki ang posibilidad na hindi naman ito matutuloy dahil guguluhin na naman ito ng aking Diyos. Pilit ko pa ring kinokontrol ang mga bagay kahit alam kong hindi ito nakatutulong sa akin.
Simple lang naman ang gustong sabihin ng aking Diyos. Kailangan kong ibigay ang lahat ng aking pananalig at pag-asa sa Kanya. Kailangang hayaan ko ang Kanyang kamay na siyang magplano para sa akin. Kailangang ipaubaya ko sa kanya ang plano dahil ang totoo, siya ang pinakamahusay na arkitekto ng buhay.
Simple pero mahirap gawin. Gayunman, pwedeng gawin. Lalo’t hahayaan ko ang aking sariling matakot sa mga dati ko nang kinatatakutan: ang mawala at mawalan. Eh, ano nga kaya, kung mawala ako at mawalan? Eh, ano nga kaya kung talagang hindi ko na makilala ang aking sarili dahil maiiba ang nakagawiang leybel sa akin na ikararangal ko? Eh, ano nga kaya kung maging palpakin ako? Teka, lalo yata akong natatakot. Pero huhulihin ko ang aking sarili at paalalahanan, hindi naman iyan ang ibig mangyari sa akin ng aking Diyos.
Hindi naman ibig ng Diyos na maging palpakin ako. Sa halip ibig niya akong magtagumpay—ibang depinisyon nga lamang siguro ng tagumpay. Tagumpay na di material. Tagumpay na magpapalakas sa aking kahinaan. Tagumpay laban sa takot. Tagumpay laban sa di maipaliwanag na pagkahumaling sa pagkontrol. Tagumpay na sa kabila ng kabiguan ay Makita ang sariling may bakas pa rin ng tagumpay. Tagumpay na kung mawawala sa dikta ng nakagawiang ritmo ng buhay. Tagumpay na bukod-tanging ang aking Diyos lamang at ako ang makauunawa.
Kaya madalas, iniimbitahan ko na ang aking Diyos na bulabugin ako sa aking buhay.

Sunday, August 3, 2014

Ang Matalinong Pilandok

Ang Matalinong Pilandok
(natalo rin si Pilandok)

Isang mainit na hapon, isang matalinong pilandok ang umiinom sa isang malinaw na batis sa gubat. Habang siya ay umiinom, isang tigre ang dumaan. Napahinto ang tigre pagkakita sa pilandok. Pasalbaheng tumawa ang tigre at sinabi nito sa mabangis na tinig, "Aha! Munting Pilandok, kaysarap mong gawing hapunan! Dalian mo't ihanda mo ang iyong sarili upang maging pagkain, dahil maghapon akong hindi kumakain." 
"Maghapon kang walang makain?" tanong ni Pilandok, nagkukunwang naaawa sa tigre. Ang totoo'y nanginginig siya sa takot pagkakita sa malalaking panga at matatalim na ngiping garing ng tigre. Ngunit pinilit niyang huwag magpahalata. Dugtong niya, "O, kawawang Tigre! Ang totoo, gusto kong magkaroon ka ng masarap na hapunan, pero palagay ko'y hindi ka mabubusog sa isang munting hayop na tulad ko." 
"Pero nagugutom ako!" atungal ni Tigreng hindi na makapaghintay. 
"Iyon nga!" sigaw ni Pilandok habang nag-iisip ng gagawin. "Ang kailangan mong pambusog sa iyong gutom ay laman ng tao." 
"At ano ang tao, Pilandok?" 
"Di mo ba alam kung ano ang tao?" sambit ni Usa, na nagkukunwang namangha. 
"Hindi. Hindi ko yata alam," sabi ni Tigreng nagiging mausisa. "Sabihin mo, Pilandok, ano ba ang tao?" 
"Buweno," sabi ni Pilandok na nasiyahan sapagkat ang Tigre ay nahuhulog na sa kanyang bitag. "Ang tao ay isang uri ng hayop na may dalawang paa at siyang pinakamakapangyarihang hayop sa mundo." 
"Totoo? Mas malakas pa kaysa akin?" tanong ng Tigre na medyo nasaktan. 
"A,oo, pero kung napakabilis mo, puwede mo siyang sagpangin at gawing hapunan." 
"Magaling. Pero kung hindi ako makasunggab ng tao, ikaw ang aking kakainin. Kasunduan ba natin ito?" 
"Kasunduan!" sigaw ni Pilandok na nasiyahan. 
"Pero saan ako makakakita ng tao? Ipakita mo agad ito sa akin dahil ako'y gutom na gutom na. Kundi ka magmamadali, kakainin kita ngayon din!" 
"Makapaghintay ka sana, dakilang Tigre," sagot ni Pilandok. "Sumama ka ngayon sa akin sa gilid ng daan at baka may isang taong magdaan." 
At sinamahan ng Pilandok ang tigre sa gilid ng daan Habang nakakubli sa damuhan, naghintay sila ng pagdaan ng tao. Di nagtagal ay dumaan ang isang batang lalaking papunta sa eskwela. Abala siyang nag-iisip ng kanyang gawaing-bahay at di niya namamalayang dalawang hayop ang nagmamatyag sa kanya. 
"Iyon ba ang tao?" tanong ni Tigre. "Ba, tiyak kong mas malaks ako sa kanya!" pangungutya niyon. 
"Ba, hindi iyon ang tao," sagot ni Pilandok. "Iyo'y patungo pa lang sa pagiging tao. Kailangan pa niya ang maraming taon-dalawampu o higit pa marahil kaya maaaring patay ka na noon." 
Pagkaraa'y isang matandang lalaki ang mabagal na lumakad sa ibaba ng daan. Matandang-matanda na ang lalaki at ang balbas niya'y simputi ng yelo. At siya'y nakatungkod habang naglalakad. 
"Tiyak na iyan ang taong sinasabi mo. Di kataka-takang napakapayat niya pagkaraang mabuhay nang maraming taon! Niloloko mo naman ako," galit na sabi ni Tigre. 
"Hindi, hindi! Hindi iyan tao. Tira-tirahan lang iyan ng isang tao. Ang isang mabuting hayop na tulad mo'y ayaw kumain ng tira, di ba?" 
"Hindi, hindi, syempre. Pero hindi ko rin gustong maghintay pa." 
"Shhh! Narito na ang isang tunay na tao!" sabi ng Usa, habang paparating ang matabang katawang punung-puno ng laman at ang kanyang mamula-mulang pisnging sagana sa dugo. Tiyak na hindi mo na ako gustuhing kainin 'pag nakain mo ang taong iyon, di ba?" 
"Baka nga, Pilandok, baka nga! Panoorin mo ako ngayon!" Pagkasabi niyon ay sinugod ng tigre ang mangangaso. Ngunit mas mabilis ang mangangaso kaysa kanya. Itinutok ng mangangaso ang kanyang riple at binaril ang tigre noon din. 
Masaya si Pilandok dahil nakaligtas siya, ngunit sa sobrang pagod ay bumalik siya sa batis para uminom. Habang siya'y umiinom, biglang may sumakmal sa isang paa niya. Sumigaw siya, ngunit nang makita niya kung sino ang sumakmal sa kanya ay tiniis niya ang sakit at mabilis na nag-isip. 
Ang buwaya iyon, isa sa kanyang mahihigpit na kaaway. Galit ang buwaya sa pilandok dahil sa mga panlilinlang nito. At galit din ang pilandok sa buwaya dahil palagi siyang tinatakot nito tuwing gusto niyang uminom sa batis. Ngayo'y lalo siyang galit, ngunit itinago niya ang kanyang damdamin at nakuha pa niyang tumawa. Nagsabi siya sa mapanghamak na tinig: "Ay, kawawang Buwaya, kailan mo ba malalaman ang pagkakaiba ng paa ng usa at ng isang patpat? Isang lumang patpat lang iyang kagat-kagat mo!" 
Ngunit sanay na ang buwaya sa mga panlilinlang ng usa. "Huwag mo akong lokohin uli," sabi niyon. "Alam na alam kong kagat-kagat ko'y paa mo at hindi ko ito pawawalan hanggang hindi kita nakakain ng buo." 
"Pero hindi kita niloloko," sabi ng Usa. "Kung sa palagay mo'y nililinlang kita, ano ito kung gayon?" At iwinasiwas ng usa ang isa pa niyang paa sa tapat ng mukha ng buwaya. 
Ang gunggong na buaya ay naniwala sa sinbi ng usa. Mabilis niyang binitawan ang kagat na paa at sinagpang ang isa pang paa. Ngunit ito ang hinihintay na pagkakataon ng usa. Lumukso siyang palayo. Pagkaraan, nang siya'y di na maabot, binalingan niya at sinigawan ang buwaya "Higitkang gunggong kaysa asno. Ni hindi mo alam ang pagkakaiba ng aking paa at ng lumang patpat!" 
At sa gayo'y tumakbong palayo ang Pilandok, naiwan ang buwayang lumubog muli sa lawa, galit sa isa na namang pagkatalo sa patalinuhan. 
Ngayon nama'y nakatagpo ng pilandok ang isang suso. Natutuwa siyang makita ang suso dahil gusto niyang magyabang at ngayo'y makapagyayabang na siya sa suso . Hinamon niya iyon ng karera at takang-taka siya nang tanggapin iyon ng suso. At ang isa pang lalong nakakapagtaka ay ang hamon ng suso na ito'y mananalo. Tumawa ang Pilandok. Paanong maiisipan ng isang suso na manalo sa takbuhan? 
Ngunit nagkataong ang susong ito ay tuso rin. Nauna rito ay binalak na niya at ng isang kaibigan kung paano nila matatalo ang mapanloko ring pilandok. 
"Tingnan mo kung paano kang mananalo sa takbuhan, mabagal na suso," sigaw ni Pilandok at siya'y nawalang tulad ng hangin. Ngunit nang marating niya ang dulo ng takbuhan, halos mapalundag siya sa pagkabigla nang makita niyang naroon na at nauna sa kanya ang suso. Hindi matanggap ni Pilandok na siya ay natalo; hinamon niya ang suso sa panibagong karera. Ngunit kahit ilang ulit siyang maghamon, laging nananalo ang suso. 
Ngayon, ang hindi alam ng pilandok, ay laging ginagamit ng suso ang sarili nitong utak. Tuwing karera ay may ibang susong tumatayo sa dulo ng takbuhan, una'y ang kaibigan ng suso, pagkatapos ay ang orihinal na suso. Ang dalawang suso ay magkamukhang-magkamukha at akala ng pilandok ay isa lamang ang mga iyon. 
Pabalik-balik na tumakbo ang Pilandok hanggang sa maubusan siya ng lakas at hingal na hingal na bumagsak sa lupa."Nanalo ka, Ginoong Suso," pahingal na sabi ng pilandok. "suko na ako." 
At sa gayon, ang munting pilandok na nag-aakalang napakatalino niya ay natalo nang araw na iyon sa wakas-hindi ng mabangis na tigre, hindi ng mabagsik na buwaya, hindi ng ano pa mang malalaking hayop sa gubat, kundi ng isang maliit at madulas na suso!



Alamat ng Isla ng Pitong Kasalanan

Alamat ng Isla ng Pitong Kasalanan

Nang kakaunti pa ang mga taong naninirahan sa Isla ng Panay, may isang mangingisdang nakatira sa Iloilo. Siya'y may pitong anak na dalaga. Sabihin pa, pagkat magaganda kaya maraming binatang nanliligaw.

Dumating sa Panay ang mga mangangalakal na galing sa Borneo.

Nagustuhan ng mga ito ang mga dalaga kaya sila'y hinandugan ng regalo. Tinanggap naman ang mga alaala bagamat hindi tiyak ng mga dalaga kung ang mga ito ay tunay ngang kanilang iniibig. Tumutol ang ama pagkat batid niyang ang kanyang mga anak ay isasama sa Borneo pag-uwi ngmga negosyante. Sa gayon siya'y mapapag-isa. Subalit walang nagawa ang kanyang pagtutol.

Isang hapon ang ama ay nagpunta sa dagat upang mamingwit. Nang siya'y makaalis ang pitong anak na dalaga ay sumama sa mga mangangalakal. Dinala nila ang kanilang mga kasangkapan at sumakay sa batel. Nang sila'y nasa Straight ng Guimaras, nakita ng ama ang tatlong sasakyang kanilang kinalululanan. Ang ama'y humabol subalit hindi inabutan ng kanyang maliit at mabagal na bangka ang mabibilis na praw ng mga taga-Borneo.

Ang kaawa-awang matanda ay pagod na pagod sa kagagaod. Siya'y nagmakaawa, "Mga anak ko, magbalik kayo. Huwag ninyo akong iwan!" Siya'y nanambitan at lumuha ng masaganang luhang sing-alat ng dagat. Malamig na simoy ng habagat ang kanyang nadama, bilang katugunan sa kanyang daing, ang alapaap ay nagdilim. Ang langit ay nagsungit... Kumidlat at umugong ang kulog. Pumatak ang mabigat na ulan. Nawala sa malas niya ang mga araw.

Umuwi ang matanda. Siya'y umiyak nang umiyak. Ang kanyang masaganang luha ay nakikipagtimpalak sa patak ng ulan. Hindi siya nakatulog nang gabing iyon. Ang mga anak ang kanyang naalaala.

Kinaumagahan, kinuha ang kanyang bangka at pumalaot sa gitna ng dagat sa pagbabaka-sakaling makita ang mga anak na lulan ng mga praw. Baka raw naantala ng bagyo ang kanilang sasakyan. Sa kanyang pagtataka ang kanyang nakita sa malayong tanaw ay maliliit na isla na wala roon nang nakaraang araw. Siya ay gumaod nang gumaod. Kanyang nakita ang mga pira-pirasong labi ng praw ng mga taga-Borneo na lumulutang malapit sa mga isla. Kanyang binilang ang mga isla sa kanyang mga daliri. Pito! Sila ang mga anak na dalagang nangalunod. 

Ang mga praw na kanilang sinasakyan ay winasak ng malakas na bagyo. Ang mga sasakya'y nilansag ng hangin at malakas naulan. Ang mga ito'y napadpad sa coral reef at mga bato.

Ang mga walang turing na anak na dalaga ay naging mga isla.

Tinawag na Mga Isla ng Pitong Makasalanan (Isla de los Siete Pecados.)


“ANG ALAMAT NG PALENDAG (Kwento/Magindanaw).


“ANG ALAMAT NG PALENDAG (Kwento/Magindanaw).
Salin ni Elvira B. Estravo ng “The Legend of Palendag”

Ang palendag ay isang instrumentong pang-musika ng mga Magindanaw. Ito’y
galling sa salitang Magindanaw na lendag, na nangangahulugang “paghikbi.”
Gawa ito sa isang uri ng kawayang tinatawag na bakayawan ang mga katutubo. Ito’y may
habang dalawa hanggang tatlong talampakan, may tigdadalawang butas sa magkabilang
gilid na isang pulgada ang pagitan. Tinutugtog ito na gaya ng plauta.
 Karaniwang tinutugtog ito ng isang nabigong mangingibig upang aliwin ang sarili.
Nabibigyang-kahulugan ng isang mahusay na tumugtog sa palendag ang iba’t ibang
damdamin at nakalilikha ng isang maganda at makaantig- damdaming musika.
Ayon sa alamat, may isang binatang umibig sa pinakamagandang dalaga sa pook.
Nagkakaisa ang kanilang damdamin, ngunit dahil sa ipinagbabawal ng tradisyong
Magindanaw ang pagliligawan, ang kanilang pagmamahalan ay nanatiling lihim. Lihim man
ang pag-iibigan, waring walang hanggan ito.
Isang araw, tinawag ng datu ang binata. Bilang isang kawal ng sultan, binigyan siya
ng misyon sa isang malayong lugar. Sa pamamagitan ng isang kaibigan, nagkita ang
dalawa bago makaalis ang binata. Nalungkot ang dalaga sa nalamang misyon ng lalaki.
Inaliw siyang aalalahanin at uuwi agad pagkatapos ng misyon. Ipinangako rin niyang
susulat nang madalas.
Sa unang ilang linggo, panay ang dating ng sulat na punung-puno ng pagmamahal at
pag-aalaala. Pagkatapos ng ilang buwan, dumalang ang dating ng sulat hanggang sa ito’y  tuluyang nawala.
Isang araw, nabalitaan niya sa isang pinsan ang nakalulungkot na balitang ang
binata ay ikinasal sa ibang babae, sa lugar ng kanyang misyon.
Lubhang nasaktan ang dalagang manghahabi. Upang maitago ang kalungkutan sa
mga magulang, maraming oras ang ginugugol niya sa kanyang habihan. Parati siyang
umiiyak nang tahimik. Ang kanyang luha’y laging pumapatak sa kapirasong kawayang
ginagamit sa paghabi. Nagkabutas ang kawayan dahil sa laging pagpatak dito ng luha ng
dalaga. Isang araw, sa di sinasadyang pagkakataon, nahipan niya ito at lumabas ang isang
matamis at malungkot na tunog. Mula noon, inaliw niya ang sarili sa pagtugtog ng palendag,

ang pangalang ibinigay sa kakaibang instrumentong pangmusika.

INDARAPATRA AT SULAYMAN

INDARAPATRA AT SULAYMAN

            Si Indarapatra ay ang matapang na hari ng Mantapuli. Nabalitaan niya ang malimit na pananalakay ng mga dambuhalang ibon at mababangis na hayop sa ibang panig ng Mindanao. Labis niyang ikinalungkot ang mga nangyayaring ito sa mga naninirahan sa labas ng kaharian ng Mantapuli.
                Ipinatawag ni Indarapatra ang kanyang kapatid na si Sulayman, isang matapang na kawal. Inutusan ni Indarapatra si Sulayman upang puksain ang mga ibon at hayop na namiminsala sa mga tao. Agad na sumunod si Sulayman. Bago umalis si Sulayman, nagtanim si Indarapatra ng halawan sa may durungawan. Aniya kay Sulayman, "Sa pamamagitan ng halamang ito ay malalaman ko ang nangyayari sa iyo. Kapag namatay ang halamang ito, nanganaghulugang ikaw ay namatay."
                Sumakay si Sulayman sa hangin. Narating niya ang Kabilalan. Wala siyang nakitang tao. Walang anu-ano ay nayanig ang lupa, kaya pala ay dumating ang halimaw na si Kurita. Matagal at madugo ang paglalaban ni Sulayman at ni Kurita. Sa wakas, napatay rin ni Sulayman si Kurita, sa tulong ng kanyang kris.
                Nagtungo naman si Sulayman sa Matutum. Kanyang hinanap ang halimaw na kumakain ng tao, na kilala sa tawag na Tarabusaw. Hinagupit nang hinagupit ni Tarabusaw si Sulayman sa pamamagitan ng punongkahoy. Nang nanlalata na si Tarabusaw ay saka ito sinaksak ni Sulayman ng kanyang espada.
                Pumunta si Sulayman sa Bundok ng Bita. Wala rin siyang makitang tao. Ang iba ay nakain na ng mga halimaw at ang natirang iba ay nasa taguan. Luminga-linga pa si Sulayman nang biglang magdilim pagkat dumating ang dambuhalang ibong Pah. Si Sulayman ang nais dagitin ng ibon. Mabilis at ubos lakas ng tinaga ito ni Sulayman. Bumagsak at namatay ang Pah. Sa kasamaang palad nabagsakan ng pakapak ng ibon si Sulayman na siya niyang ikinamatay.
                Samantala, ang halaman ni Sulayman sa Mantapuli ay laging pinagmamasdan ni Indarapatra. Napansin niyang nanlata ang halaman at alam niyang namatay si Sulayman.
                Hinanap ni Indarapatra ang kanyang kapatid. Nagpunta siya sa Kabalalan at nakita niya ang kalansay ni Tarabusaw. Alam niyang napatay ito ng kapatid niya. Ipinagpatuloy ni Indarapatra ang paghahanap niya kay Sulayman. Narating niya ang bundok ng Bita. Nakita niya ang patay na ibong Pah. Inangat ni Indarapatra ang pakpak ng ibon at nakita ang bangkay ni Sulayman. Nanangis si Indarapatra at nagdasal upang pabaliking muli ang buhay ni Sulayman. Sa di kalayua'y may nakita siyang banga ng tubig. Winisikan niya ng tubig ang bangkay at muling nabuhay si sulayman. Parang nagising lamang ito mula sa mahimbing na pagtulog. Nagyakap ang magkapatid dahil sa malaking katuwaan.
                Pinauwi na ni Indarapatra si Sulayman. Nagtuloy pa si Indarapatra sa Bundok Gurayu. Dito'y wala ring natagpuang tao. Nakita niya ang kinatatakutang ibong may pitong ulo. Sa tulong ng kanyang engkantadong sibat na si juris pakal ay madali niyang napatay ang ibon.
                Hinanap niya ang mga tao. May nakita siyang isang magandang dalaga na kumukuha ng tubig sa sapa. Mabilis naman itong nakapagtago. Isang matandang babae ang lumabas sa taguan at nakipag-usap kay Indarapatra. Ipinagsama ng matandang babae si Indarapatra sa yungib na pinagtataguan ng lahat ng tao sa pook na iyon. Ibinalita ni Indarapatra ang mga pakikilaban nilang dalawa ni Sulayman sa mga halimaw at dambuhalang ibon. sinabi rin niyang maaari na silang lumabas sa kanilang pinagtataguan. Sa laki ng pasasalamat ng buong tribu, ipinakasal kay Indarapatra ang anak ng hari, ang magandang babaeng nakita ni Indarapatra sa batisan.


PAGISLAM: Ang Pagbibinyag ng mga Muslim

PAGISLAM: Ang Pagbibinyag ng mga Muslim
(Sanaysay/Muslim)
Salin mula sa Ingles ni
Elvira B. Estravo

Naniniwala ang mga Muslim na ang isang sanggol ay ipinanganak na walang kasalanan kaya di kailangang binyagan upang ito ay maalis. Ganoon pa man, mayroon silang ilang seremonya na kahalintulad ng binyag na tinatawag napagislam. Pinaniniwalaang ito ay ang pagbibiyag ng mga Muslim.
Sa katunayan, mayroon silang tatlong uri ng seremonyang panrelihiyon na napapaloob sa pagislam, na ginagawa sa tatlong magkakaibang araw sa buhay ng isang sanggol.
Ang unang seremonya ay ginagawa ilang oras pagkapanganak. Isangpandita ang babasa ng adzan o kang sa kanang tainga ng sanggol. Ito’y ginagawa ipang dito’y ikintal na siya’y ipinanganak na Muslim at ang unang salitang maririnig ay ang pangalan ni Allah.
Ang pangalawang seremonya ay higit na kilala bilang penggunting o pegubad. Ginagawa ito pitong araw pagkapanganak. Naghahandog ang mgamagulang ng kanduli, isang salu-salo bilang pasasalamat sa pagkakaroon ng anak. Dito’y inaanyayahan ang mga kaibigan, kamag-anakan at pandita.
Ang paghahanda ay ayon sa antas ng kabuhayan ng mga magulang sa pamayanan. Karaniwang nagpapatay ng hayop, kambing o baka. Ang hayop na ito’y tinatawag na aqiqa, na ang ibig sabihi’y paghahandog ng pagmamahal at pasasalamat.
Sa okasyong ito, ang binibinyagan o pinararangalan ay binibigyan ng pangalan ng isang pandita pagkatapos na makaputol ng ilang hibla ng buhok ng sanggol. Inilalagay sa isang mangkok na tubig ang pinutol na buhok. Ayon sa paniniwalang Maguindanao, pag lumutang ang buhok magiging maginhawa at matagumpay ang tatahaking buhay ng bata ngunit kapag ito’y lumubog, siya’y magdaranas ng paghihikakos at paghihirap. Ang bahaging ito ng seremonya ay di kinikilala ng Islam ngunit dahil bahagi ito ng tradisyon, patuloy pa ring ginagawa ng ilang Maguindanawon. Isa pa ring bahagi ng tradisyon na kasama ng seremonya ay ang paghahanda ng buaya. Ito ay kakaning korteng buaya na gawa sa kanin, dalawang nilagang itlog ang pinakamata at laman ng niyog ang ginagawang ngipin. Nilalagyan din ang buaya ng manok na niluto sa gatang kinulayan ng dilaw. Inihahanda ito ng isang matandang babaeng tinatawag nilang walian, isang katutubong hilot na may kaalaman sa kaugaliang ito. Ginagawa ito para sa kaligtasan ng bata kung naglalakbay sa tubig. Pinakakain sa mga batang dumalo sa seremonya ang buaya.

Ang ikatlo at huling seremonya ayang pagislam. Ginagawa ito kung ang bata ay nasa pagitan ng pito hanggang sampung taong gulang. Tampok na gawain sa seremonyang ito ang pagtutuli. Tinatawag na pagislam para sa mga batang lalaki at sunnah para sa mga batang babae. Ginagawa ito upang alisin ang dumi sa kanilang pag-aari. Ang pagislam ay ginagawa ng isang walian, na karaniwang isang matandang babae na may kaalaman sa kaugaliang ito. Ang seremonya ay karaniwang ginagawa sa araw ng Maulidin Nabi o sa ibang mahalagang banal na araw ng mga Muslim.