Sunday, August 17, 2014

KAPAG NAIISAHAN AKO NG AKING DIYOS

KAPAG NAIISAHAN AKO NG AKING DIYOS
Ni Raquel E. Sison-Buban

Madalas kong kontrolin ang mga bagay-bagay at pangyayari sa buhay ko dahil ayokong-ayokong pumapalpak. Kasi takot akong mawala at mawalan. Takot akong mawala sa sirkulasyon ng dati nang nakagawiang ritmo ng buhay. Takot din akong mawalan nang ini-enjoy na pribilehiyo at istatus sa buhay. Kaya gusto kong kontrolado ko ang lahat ng bagay sa aking buhay.
Madalas ko ring makita ang sarili kong walang kontrol—lalo na kapag ginagawa ko ang isang bagay na gustong-gusto kong gawin, o mga bagay na gustong-gusto kong mapasaakin; maging materyal man o hindi. Bunga ng mga ito, madalas mangyari sa akin ang mga labis kong kinatatakutan: ang pumalpak, ang mawala, at mawalan.
Madalas matuklasan na ang may pakana at may kagagawan ng lahat ng ito ay ang aking Diyos. Sa likod ng lahat ng mga pangyayaring ito sa aking buhay ang aking Diyos ang siyang manggugulo sa akin sukat masira ang lahat ng plano ko sa buhay. Sa tuwing, ako’y madidismaya sa kapalpakan ng isang plano, madalas kong maisip na, “Naisahan na naman ako ng aking Diyos!”
Madalas hinahanap ko sa aking sarili kung bakit sa kabila ng katotohanang ito, hindi pa rin ako matuto-tuto. Plano pa rin nang plano kahit alam ko namang malaki ang posibilidad na hindi naman ito matutuloy dahil guguluhin na naman ito ng aking Diyos. Pilit ko pa ring kinokontrol ang mga bagay kahit alam kong hindi ito nakatutulong sa akin.
Simple lang naman ang gustong sabihin ng aking Diyos. Kailangan kong ibigay ang lahat ng aking pananalig at pag-asa sa Kanya. Kailangang hayaan ko ang Kanyang kamay na siyang magplano para sa akin. Kailangang ipaubaya ko sa kanya ang plano dahil ang totoo, siya ang pinakamahusay na arkitekto ng buhay.
Simple pero mahirap gawin. Gayunman, pwedeng gawin. Lalo’t hahayaan ko ang aking sariling matakot sa mga dati ko nang kinatatakutan: ang mawala at mawalan. Eh, ano nga kaya, kung mawala ako at mawalan? Eh, ano nga kaya kung talagang hindi ko na makilala ang aking sarili dahil maiiba ang nakagawiang leybel sa akin na ikararangal ko? Eh, ano nga kaya kung maging palpakin ako? Teka, lalo yata akong natatakot. Pero huhulihin ko ang aking sarili at paalalahanan, hindi naman iyan ang ibig mangyari sa akin ng aking Diyos.
Hindi naman ibig ng Diyos na maging palpakin ako. Sa halip ibig niya akong magtagumpay—ibang depinisyon nga lamang siguro ng tagumpay. Tagumpay na di material. Tagumpay na magpapalakas sa aking kahinaan. Tagumpay laban sa takot. Tagumpay laban sa di maipaliwanag na pagkahumaling sa pagkontrol. Tagumpay na sa kabila ng kabiguan ay Makita ang sariling may bakas pa rin ng tagumpay. Tagumpay na kung mawawala sa dikta ng nakagawiang ritmo ng buhay. Tagumpay na bukod-tanging ang aking Diyos lamang at ako ang makauunawa.
Kaya madalas, iniimbitahan ko na ang aking Diyos na bulabugin ako sa aking buhay.

No comments:

Post a Comment